KUNG GUSTO mong gabi-gabi mabangungot, tumutok sa newscast ng ABS-CBN Radyo Patrol. Kabi-kabilang balita tungkol sa patayan, sakuna, masaker, lindol, baha at iba pang kalamidad. Sa loob halos ng isa at kalahating oras para kang nilalaglag sa loob ng isang ataul. Para bang wala nang magandang nangyayari sa bansa.
Sang-ayon kami sa katuwiran ng ilang legitimate news. Ngunit dapat naman ang TV station ay patnubayan ng mabuting panlasa sa pagpili ng uri ng balita. Mantakin mo. Maghapon kang pagod sa trabaho. Pag-uwi, makikipagbuno ka na sa mademonyong trapiko. Ngunit habang naghahapunan, ganito bang uri ng balita ang nanaisin mo? Morbid. Depressing. Recipe sa bangungot na pagtulog.
‘Di ko tinutukoy lang ang ABS-CBN. Ang Channels 5 at 7, pareho rin ang espesyalidad. ‘Yon lang, medyo may kaunting preno at sinisingitan ng ilang positibo at maaayang balita.
Kaya ako imbes na newscast, paborito kong show gabi-gabi ay Asian Food Channel. Panalo. Sapak ang malalaman sa pagluto ng iba’t ibang Asian cuisines, very entertaining at knowledgeable ang hosts at gagandang sceneries. Sulit ang panonood n’yo. Bukod dito, walang commercials, tuluy-tuloy ang programa.
‘Pag nagsawa na ako, lipat sa History Channel. Dito labis ang mapupulot mong edukasyon sa mga historic events at science, religion, literature. Magandang substitute sa internet.
Nakakaawang sabihin na nag-deteriorate ang halos lahat nating local TV shows – mula sa news broadcasting, slapsticks at teleserye. Sa dalawang dambuhalang TV networks, puro kabaklaan ang highlights. Mga teleserye, puro violence, infidelity at intriga. Nakababaliw.
SAMUT-SAMOT
MAY MGA taong napakahilig pumapel. Kagaya ng isang election lawyer – dating manananggol ni GMA – na halos araw-araw ang mga press releases tungkol sa kanyang sarili at mga isyu. Ang lagi kang laman ng dyaryo at TV ay talagang addicting. Hinahanap-hanap mo ang mukha mo sa newscasts at pangalan sa pahayagan. Isang so-called media handler ni dating Pangulong Erap ay ganyan din ang sitwasyon. Tuwina’y nakabandera sa likod ng pangulo. Laging nagpapa-interview. ‘Di ko sila masisi. Naging katulad din nila ako.
DEMONYONG PANDUDURO ng China sa maliit nating bansa! Unang-una, mishandled ang treatment ng Scarborough issue. Nagtatalak at nanakot agad tayo. Dapat diplomatic channels at backdoor talks muna. Tayo ang nagpalobo ng isyu. Takbo tayo sa Mother America expecting she will come to our succor. No way! America will not declare war against China because of the issue. Kung apektado ang kanyang interes, makikialam ‘yon. Samantala, si P-Noy dine-dedma ang problema, hoping it will just go away. But hindi! Kahiya-hiya tayo sa mata ng global community. How do you solve a fumbling president?
TUWING LINGGO pagbabasa ng Inquirer kolum ni Fr. Jerry Orbos ay parang ihip ng sariwang hangin sa ‘sang mainit na silid. Nakatataba ng puso at kaluluwa. Buong linaw at makahulugan niyang ipinapaliwanag ang salita ng Diyos at ang relasyon nito sa buhay ng tao. Terrific din ang sense of humor ni Fr. Jerry. Sa maikli kong listahan ng matapat at masugid na alagad ng Diyos at simbahan, nangunguna siya. Siya ang isa sa mga dahilan ng patibay nang patibay kong pananampalataya. Cheers!
AY, NAHUHUMALING na naman ako sa pagbili ng iba’t ibang klase ng halaman at bulaklak para sa aking hardin. ‘Pag may ekstrang pera, larga. Aba, napakagastos ng hobby na ito. Mahina ang 5 libo sa pagbili ng assorted plants diyan sa Green Meadows, Q.C. Mahigit nang 10 taon kong suki ang Jardin Floral and Ornamental Shop. Subalit ‘di man lang ako nabigyan ng discounts. ‘Pag nabasa ni Aling Merleng ito, baka sakali. He, he, he.
‘DI AKO naniniwala na sasabog sa giyera ang Scarborough shoal between RP at China. Pinalalaki at ginagatungan lang ang isyu ng media. Sa totoo, kaibigan tayo ng China at may pinagsamahang napakatagal. Kaya makabubuti na tigilan na muna ang kadadak-dak ng kung sinu-sino. Back channeling ang dapat. By all means, kailangang matapos ang isyu through diplomatic channels.
TIGILAN NA rin ang protesta ng mga China embassies sa bansa at iba pang lugar sa mundo. Lalo lang lalala ang problema. Kamakailan, may 50 nag-rally sa tapat ng Chinese Embassy sa Makati. Mga nakatsinelas at gutay na damit na ipinalagay na hakot mula sa squatter’s areas. Covered ng CNN ang rally na nakita ng buong mundo. Nakakahiya.
KAPOS NG winnable senatorial materials ang LP kaya nakikipag-coalition sa ibang partido. Tinatarget nito ang NP ni Sen. Villar. Samantala ang Lakas-CMD ay tila nangangarap pa na makapagpanalo ng kandidato sa senatorial eleksyon. It will field Rep. Mitos Magsaysay at actress Alma Moreno. Kabaligtaran ang sitwasyon sa UNA ni VP Binay at Erap. Ang daming gustong sumapi at tumakbo. Ngayon pa lang, tila political lame duck na si P-Noy.
MAINIT ANG magiging labanan ng alkalde sa Q.C. Set to challenge Bistek Bautista ay si Vic Sotto at Noli de Castro. Sa totoo lang, big disappointment si Mayor Bistek. Nag-deteriorate ang delivery ng social services. Whatever gains achieved by Belmonte, nilustay niya. Abangan.
SA SUNUD-SUNOD na bank run at pagsasara ng ilang bangko, humihina na ang tiwala ng mamamayan sa banking system. Ano ba ang ginagawa ng Central Bank at Monetary Board? Kamakailan, nagsara ang Export-Import Bank. Daming depositors ang napahamak na naman. Ano na ba talaga ang nangyayari? Sukat na sa kapabayaan!
NILALANGAW ANG mga teleserye ng Channel 5. Tila “Valiente” lang ang pumatok. Ganyan din ang sitwasyon sa mga comedy skits at game shows. Kulang na kulang ang kalidad. Kaya bawat ikalawang buwan palit ng mga programa. Siguro laking isinusuka ni MVP. Subalit sa “Talentadong Pinoy” nakabawi ang network. Cheers, Ryan
Agoncillo!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez