HINDI NAIWASANG maiyak ng nagbabalik-showbiz na si Rajah Montero sa mismong presscon ng kanyang pinagbibidahang pelikula, ang Ang Kamandag ni Venus na showing na ngayon sa mga sinehan.
Maaalalang inilayo ng kanyang dating karelasyon ang kanilang anak, pero kalaunan ay nagkaayos na rin sila ng kanyang dating karelasyon at malaya na niyang nakikita at napapasyalan ang nawalay na anak.
Ilang taon din daw na nagtrabaho si Rajah sa ibang bansa para makaipon para hindi na balikan pa ang dating trabahong pagpapa-sexy sa pelikula at pagsasayaw sa club, dahil hindi na na naman daw siya bumabata. Kaya naman ang kanyang naipon ay isinugal nito sa pagpo-produce ng pelikula kasama ang kaibigan at ito nga ang Ang Kamandag ni Venus.
Sana nga raw ay tangkilikin ng mga manonood ang kanyang pelikula nang sa ganu’n ay mas marami pang pelikula ang ma-produce nito. Open din daw si Rajah na sumalang sa mga soap sa iba’t ibang TV network kung mabibigyan ng pagkakataon.
DUMATING NA sa bansa ang host/ comedian na si Vice Ganda mula sa kanyang successful shows abroad. At sa kanyang pagbabalik ay nagbigay ito ng kanyang pahayag sa It’s Showtime kaugnay sa kontrobersiya sa kanyang pagkakapanalo sa 30th Star Awards sa Movies na ipapalabas sa March 16 (Sunday) sa ABS CBN para sa kategorayang Best Actor sa kanyang blockbuster movie na Girl, Boy, Bakla, Tomboy.
Tsika nga nito, “Gusto kong magpasalamat sa PMPC Star Awards for my first acting trophy. Maraming-maraming salamat po sa Best Actor na award na ibinigay n’yo sa akin. Sobrang kontrobersiyal ng award na ‘yan, narinig ko, nabasa ko. Nakakaloka!”
At habang hawak ang kanyang tropeyo, “Nagpapasalamat lang ako. Ayoko nang masyadong magbigay pa ng statement.
“Nu’ng nabasa ko nga, at sinabi sa akin, natawa ako, tumahimik lang ako. Sabi ko, kung kakausapin ko ang konsensiya ko, ano kaya ang sasabihin ng konsensiya ko sa akin?
“Sabi ng konsensiya ko sa akin, ‘Kung nandaya ka, ibalik mo ang award. Kung hindi ka nandaya, yakapin mo ang award. Ito ang award,” sabay yakap sa tropeyo.
John’s Point
by John Fontanilla