+63917926xxxx – Mr. Action Man, hindi po ba mayroong mga budget na nakalaan sa bawat kulungan? Isang beses po akong sumama sa aking kaibigan para dalawin ang kanyang asawa sa kulungan ng Antipolo City. Nakita ko po na sapilitan ang pagbabayad ng bawat preso ng halagang isang daang piso bawat isa. Ayon po sa isang bantay na aking nakausap, budget daw po iyon sa pagkain ng mga preso. Kaya kung walang dumadalaw na kamag-anak, asawa o anak, siguradong gutom dahil wala siyang maiaabot na isang daan. At ayon sa kanilang warden, bawal ang cellphone sa loob ng selda. Pero ang kanilang mayor ay may sariling cellphone sa loob ng kanyang selda. Sana po ay mabisita ninyo ang lugar na ito. Alam naman ng pinuno ng kulungan na ito ang mga nangyayari sa loob ng bawat selda. Maraming salamat po.
+63927568xxxx – Boss Tulfo, nais ko pong paimbestigahan ang kulungan dito sa lugar ng Meycauayan, Bulacan. ‘Pag nakakulong ka, kailangan mong magbigay ng limang daang piso kada buwan. Bukod po rito, araw-araw ay magbibigay ka pa ng beinte pesos para sa mayor. At kung hindi ka makakapagbigay siguradong gulpi ang abot mo at sa loob ng kasilyas ka matutulog. At kung gusto mong makigamit ng cellphone kailangan mong bumayad ng sampung piso bawat text. Sa tingin ko po ay nakikinabang ang mga bantay na pulis sa kulungan na ito. Sila mismo ang kumukunsinti sa mga bulok na gawaing ito. Sana po ay maimbestigahan ninyo ang bagay na ito.
+63922368xxxx – Sir Raffy, nais ko po sanang ipaalam sa inyo ang ginagawang pangongotong ng mga taga-LTO rito sa lugar ng Concepcion, Tarlac. Kanina pa pong umaga nanghaharang ang mga ito para manghingi ng pera. Kunwari po ay paparahin kami at bibigyan ng kung anu-anong violation kahit hindi naman totoo. Hindi na po namin matiis ang pang-aabuso na ginagawa sa amin ng mga taong ito. Sir, kayo na lang po ang pag-asa namin sana po ay aksyunan n’yo ang bagay na ito. Salamat po.
+63906519xxxx – Mr. Raffy, nais ko pong malaman ninyo ang sunud-sunod na holdapan na nangyayari rito sa Malibay, Pasay papuntang Mall of Asia. Meron pong sasakay ng jeep pagdating ng Shell, Edsa at sa tapat po ng Heritage Hotel ay mag-aanunsiyo ng holdap. Ito ay may dalang baril at itututok sa mga pasahero sabay kukunin ang mga gamit, alahas at cellphone. Naipahatid na po namin ito sa mga kinauukulan pero naulit pa rin po ang pangyayaring ito. Ang ibig pong sabihin ay hindi binibigyan ng aksyon ng mga kapulisan ang problemang ito. Alam po namin na kayo ang makakapagbigay aksyon sa bagay na ito. Maraming salamat po.
+63920866xxxx – Sir Raffy Tulfo, hindi na po ba talaga matitigil ang mga snatcher dito sa lugar ng Taft Avenue malapit sa PGH. Kung makikita ninyo, napakaraming kapulisan na nakakalat sa lugar na ito pero walang aksyon na ginagawa ang mga pulis na ito. Minsan pa nga po ay dumaan mismo sa harap ng pulis ang isa sa mga snatcher pero dedma lang ang pulis na ito.
Kung kayo ay may mga sumbong na nais ninyong iparating sa inyong lingkod itawag sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) sa 0908-87-TULFO. Ang IMKT ay isang segment ng Balitaang Tapat na mapapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15.
Shooting Range
Raffy Tulfo