WA-EPEK KAY LAND Transportation Office (LTO) Chief Asec. Virginia Torres ang sumambulat na isyu hinggil sa lantarang bentahan ng “seminar” sa kanyang tanggapan.
Ayon sa ilang expose sa media, ang bawat lisensyang makumpiska ng traffic enforcers na nangangailangan ng “seminar” sa LTO ay ginawang raket ng ilang balasubas na opisyal ng nasabing ahensya.
Dahil imbes na ipasailalim nga sa seminar ang driver para matuto ito ng ilang mahalagang patakaran sa kalsada at upang maibsan ang road accidents ay pini-pitsa na ito!
Ibig sabihin, sa halagang mapagkasunduan ng driver at ganid na opisyal ay hindi na ito sasailalim sa seminar. Magbayad na lamang ng hindi bababa sa isang libo at presto… uuwi na agad ang driver na bitbit ang kanyang lisensya!
Resulta, hindi pa rin ito naturuan ng tamang asal o pamamaraan sa kalsada. Kaya malamang kesa hindi, paulit-ulit itong magiging balasubas sa kalsada na kadalasan ay nagreresulta ng malagim na mga aksidente!
At ‘yan ay dahil sa kademonyuhan ng ilang opisyal ni Asec. Torres! Na kung lilimiing mabuti ay kasabwat ang mismong hepe ng LTO.
Bakit? Kasi naman ay napakamanhid nitong si Asec. Torres na bigyan ng kaukulang hakbang ang naglitawang expose hinggil sa nabanggit na anomalya.
Meaning, kung ikaw ay hepe at hindi mo dinadalirot ang mga napaulat na kabulastugan, ano ang posibleng isipin ng mga hinayupak na salarin? Hindi ba’t go signal ito sa kanila para ipagpatuloy ang hidhid na gawain?
O maaari nilang isipin na “bugok” si Madam kaya hindi nito nabibigyang-pansin ang katarantaduhang ito!
At dahil imposibleng bugok si madam, dahil nga imposibleng hindi niya ito nalaman mula sa media, ano ang maaari nating isipin? Hindi ba’t ang pagiging kasabwat ni Madam?
Kaya nga, parekoy, sa muli ay kinakalabit natin si Asec. Virgie Torres, alang-alang sa ikalilinis ng kanyang pangalan at tanggapan, at upang maiwasan ang posibleng kahindik-hindik na mga road accident, dapat lang na paimbestigahan na agad niya ang anomalyang ito!
Para naman, tayo mismo ay makumbinsi at makatuwang niya sa pagsasabing hindi kasabwat si Asec. Torres sa kademonyuhang ito!
Madam, wat ar yu weting por? Hehehe. Now na!
BAKIT NGA KAYA hindi kayang ihain ng ating kapulisan ang “warrant of arrest” ni Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo?
Aminado tayo na mistulang diyos ang pagsamba sa kanya ng mga miyembro ng grupong (kulto?) Philippine Benevolent Missionary Association (PBMA).
Katunayan, parekoy, nang unang tangkain ng mga pulis na arestuhin si Ecleo noong 2002, lantarang sinugod ng mga kasapi ng PBMA ang arresting officers. Gulok kontra high-powered guns! Ala-Lapu-lapu versus Magellan! Handang magbuwis, ‘ika nga, ng kanilang buhay alang-alang sa kanilang supreme master na si Ruben Ecleo! At katunayan ay hindi lugi ang BIR dahil talagang marami sa mga ito ang nagbuwis ng buhay! Hek, hek, hek!
Wala ring kuwestiyon kung ang babasehan ay ang matinding kayamanan ng pamilyang Ecleo. Dahil matatanaw na agad ang karangyaan ng mga ito kahit hindi ka pa nakadadaong sa kanilang isla!
Kung ang pag-uusapan naman ay ang pagiging powerful nina Ecleo, maliban sa pamilya nila, halos lahat ang nakaupo sa mga lokal na posisyon doon… may tsismis pa na “super-lagkit” ang kapit nito ngayon sa Palasyo!
Pero eksakto na kayang dahilan ito para tarantaduhin ang batas? I mean, sapat na bang batayan ang mga nabanggit sa itaas para hindi na ihain ang aresto laban kay Ecleo at tuluyan na itong ibasura?
Kung tutuusin, dito dapat magpakitang-gilas ang ating kapulisan na arestuhin na ngayon si Rep. Ecleo para personal itong maiharap sa korte sa darating na Dec. 10, para naman sa promulgation ng kasong Parricide. O ang pagpatay nito sa kawawa niyang asawa!
Ano, parekoy, takot nga ba ang mga pulis kay Ecleo? Ow… dapat nga arestuhin na agad ang kongresistang ito…. Para pagsamahin na rin sila sa isang selda ng kongresistang si GMA! Hak, hak, hak!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303