ISA PO akong dating OFW at ngayo’y maybahay na lamang. Naka-confine pa po sa St. _________ Hospital ang aking anak dahil sa pneumonia. Regular po akong contributor sa PhilHealth. Nakalagay po sa guideline ng PhilHealth na P30,000 ang coverage ng anak ko dahil severe pneumonia. Nag-certify ang duktora ng anak ko na ganu’n nga ang kaso. Pero nang lapitan ko po ang PhilHealth, sabi nila’y hanggang P10,000 ang coverage dahil mas gusto ng ospital na cash o pera ang ipambayad namin sa kanila. Para saan pa po ang PhilHealth kung ang ospital ang nagdedesisyon sa kung magkano ang dapat na coverage? — Gemma ng Marikina City
SADYA KO munang ‘di inilathala ang pa-ngalan ng ospital dahil nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Philhealth. Nang tanungin namin ang Philhealth, mali raw ang ginawa ng ospital at ito ay kanilang ipapaimbestiga. Tatawagan ko rin ang DOH para imbestigahan ang nasabing ospital.
Marami na rin kaming natatanggap na report tungkol sa ganyang mga maling gawain ng mga ospital. Ikinakatuwiran nila na matagal daw silang makasingil sa PhilHealth kaya binabraso nila ang mga pasyente na magbayad ng cash. Pero ayon naman sa PhilHealth, nasa oras ang kanilang pag-reimburse sa mga ospital. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang paniniwalaan.
Nakaamba pa naman ang pagdodoble sa singil ng mga OFW sa contribution sa PhilHealth. Sana naman tapatan ito ng maayos na serbisyo.
Isa pa, ang pera ng PhilHealth ay pera ng tao. Hindi ito pera ng ospital at hindi rin ito pera ng Philhealth. May karapatan ang mamamayan na maibalik sa kanila ang kanilang kontribusyon sa anyo ng serbisyo oras na sila ay magkasakit.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo