NAKABABAHALA NA ang napababalitang rambulan ng mga kabataan sa Blumentrit Maynila. Bakit tila nag-aastang nasa giyera ang mga kabataang ito? Bakit hindi rin sila mapigilan ng kanilang mga magulang at mga kawani ng barangay na nakasasakop sa kanila? Malayung-malayo yata ang ganitong katangian ng mga kabataang tinutukoy ng bayaning si Jose Rizal na pag-asa ng bayan.
Ang ganitong eksena ay sumasalamin kung papaanong ang maraming mga kabataang Pilipino ay hindi nabibigyan ng mabuting kalinga ng kanilang mga magulang at pamayanan. Droga, pakikipagbasagan ng mukha, at maagang pakikipagtalik o pre-marital sex ang karaniwang napapala ng mga kabataang kasali sa mga grupong ito base sa mga pagtatanong sa kanila. Malinaw na walang mabuting kahihinatnan ang buhay ng mga kabataang ito sa kalaunan.
Ayon sa isang pag-aaral ng mga eksperto sa sosyolohiya at child development, ang mga kabataang nasasangkot sa ganitong mga grupo ay dumaragdag lamang sa mga elemento ng kriminalidad sa lipunan. Tila ba ang kalsada at mga grupo o gang nila ang nagsisilbing paaralan ng mga kriminal sa ating lipunan. Dito sila natututo at nagsasanay na gumawa ng mga mali at krimen.
NAPAKAHINA NAMAN ng lokal na pamahalaan dito dahil wala silang magawa sa problemang ito. Kung hindi sila makontrol ng kapulisan ay tiyak na mas lalong hindi kayang kontrolin ng mga ito ang mga tunay na kriminal sa bansa. Hindi puwede ang ganito kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Baka kapag siya ang barangay captain dito sa Blumentrit ay tiyak na maiihi pa sa salawal sa takot ang mga kabataang ito at tiyak na magtitino sila.
Ang mga batas din natin ay dapat nagtitiyak ng pagdisiplina sa mga kabataang ito. Dapat na rin sigurong baguhin ito at mas bigyan ng ngipin para magtino ang mga pasaway na kabataan. Hindi maaaring pakiusap at pagbabati lamang ng mga nagrarambol na grupo ang solusyon dito. Hindi ito epektibo at tiyak na mauulit lamang ang ganitong pangyayari. Iba ang takbo ng mga isip ng mga kabataan ngayon dala ng kasalukuyang panahon. Kaya kailangan na magpakita ng puwersa ang mga magulang at barangay para putulin ang sungay ng mga kabataang ito.
Malaki ang lugar na ginagampanan ng paaralan sa buhay ng mga kabataan. Kung sila ay wala sa paaralan, tiyak na mapupunta sa kapahamakan ang kanilang buhay. Halos lahat sa mga kabataang nasangkot sa rambol ay hind nag-aaral. Samakatuwid ay inuubos lamang nila ang buong oras nila araw-araw sa pagtambay, pagdroga, pre-marital sex, at iba pang kriminalidad. Dapat ay aksyunan ito ng DSWD at iba pang sangay ng pamahalaan bago pa mahuli ang lahat.
ANG DEMOLISYON ay hindi na bago sa Metro Manila dahil ito nga ay tinaguriang squatter’s capital of the Philippines. Ang pagdami ng mga ito ay parang mga kabute na hindi napigilan. Ngunit ang mga bulok na pulitiko rin ang dahilan ng kanilang pagdami sa Metro Manila. Kadalasan ay ginagamit sila para sa kanilang mga boto. Ang resulta ay pagdami ng mga iligal na nakatayong bahay sa mga pribadong lupa.
Kaya ang eksena sa mga demolisyon ay laging bayolente at madugo. Kaawa-awa ang mga pulis dahil sila ang unang nalalagay sa alanganin. Nitong huling demolisyon sa Caloocan ay isang pulis ang nabaril ng sumpak ng isa sa mga residenteng lumalaban sa demolisyon. Nagkaroon ng matinding palitan ng putok ng baril. Nangangahulugan lamang na armado ng mga iligal na baril ang mga nakatira rito. Noong nakaraan ay nagreklamo naman ang mga pulis na binabato sila ng mga dumi ng tao na nakabalot sa papel at asido na nasa plastic.
Seryosong problema ang pagdami ng mga informal settlers sa Metro Manila. Dito nanggagaling ang maraming kriminal na gumagawa ng panghoholdap, pagnanakaw sa mga kabahayan, paggawa ng mga panloloko sa mga taong tatanga-tanga, at pagtanggap ng mga trabaho bilang mga hitman o gunman. Wala silang makuhang matinong trabaho rito sa Maynila dahil sobra na ang dami ng tao. Kaya naman pumapasok sila sa iba’t ibang uri ng kriminalidad para mabuhay.
ANG PROBLEMA ng rambulan at demolisyon sa mga informal settlers kung tawagin ay may iisang anyo. Magkadugtong kasi palibhasa ang problemang ito. Parehas itong produkto ng kahirapan o poverty. Ang mga kabataang sangkot sa rambulan sa Blumentrit ay mga kabataang nakatira rin sa mga informal settlers na komunidad. Mahihirap sila at walang pera para makalipat sa mas mabuting pamayanan at makapasok sa paaralan.
Kung sila ay makapag-aaral at mabibigyan ng mabuting lugar para tirahan ay tiyak na malulutas ang problemang ito. Kahirapan ang ugat ng parehong problema ng rambulan at demolisyon. Ang pagbigay-solusyon sa kahirapan ay pagbibigay ng solusyon sa rambuan at demolisyon. Ito ang ugat ng problema kaya ito rin ang dapat solusyunan.
Sa bagong gobyernong papalit sa Aquino administration, sana ay maging pangunahing adhikain nito ay ang paglaban sa kahirapan. Ang malinaw na susi rito ay pagbibigay sa mga mahihirap ng disenteng pabahay, trabaho, at edukasyon para sa lahat ng kabataan. Dito rin natin sukatin ang plataporma ng mga kandidatong kakatok sa ating mga pintuan.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo