AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield
PARANG FIESTA SA dami ng taong nakiisa sa kaarawan ni Don Ramon Revilla, Sr. sa kanyang mansion sa Imus Cavite last Friday, March 8. Present din ng gabing ‘yun sina MMDA Chairman Bayani Fernando, Sen. Dick Gordon, Lovi Poe, magkapatid na Jolo at Brian Revilla. After the mass na ibinigay ng pamilya Bautista para sa kanilang ama nagkagulo na ang media para ma-interview si Ramon, Sr. Laking gulat namin, nakapagSAsalita na ang Hari ng Cavite. Nakaalalay naman ang mga anak ng dating senador na sina Rowena, Princess, Andrea, Mayor Strike at Bong Revilla habang kinakausap ito ng media.
“Ang wish ko lang, sana makalakad na ako. Masaya ako dahil maraming nagmamahal sa akin,” bungad ni Don Ramon na halata mong masaya at maligaya ng gabing ‘yun. Maayos na siyang nakapagsasalita, naigagalaw na niya ang kanyang mga kamay kahit naka-wheelchair. Mabilis ang kanyang recovery, super kinis ang complexion, nagmukhang bata sa paningin namin ang Daddy ni Bong. Nalaman naming before his birthday (Friday, March 6) personal siyang binisita ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at sa opisina ni Chairman sila nag-usap. Bale advance birthday party ni Don Ramon ang pagdating ng Pangulo. “May 300 katao ang nagdatingan dito kaya masaya,” dugtong pa ni Sr.
“Eversince naman, hindi pumapaltos si Madam Gloria sa pagbisita sa Daddy ko, naging tradisyon na ‘yun sa birthday niya, birthday ko, palaging nandito siya. 82 years na siya Daddy, magugulat ka, talagang makikita mo ‘yung will to live niya. Gusto talaga niyang humaba pa ‘yung buhay niya para makatulong siya. Marami pa siyang gustong gawin, kaya nga pinagdarasal naming makalakad agad siya. Naigagalaw na niya ‘yung kanyang mga paa and I’m really sure na mangyayari ‘yun. Sabi nga niya, bilang pasasalamat sa mga nagmamahal sa kanya, nagregalo siya sa probinsiya ng Cavite, sa mga Caviteño ng lupa, 5,000 square meter, half hectare, para tayuan ng hospital.
“Katulad dito sa Bacoor walang hospital kasi nga, ang hinahanap namin ‘yung walang property, sabi ido-donate na lang ‘yung lupa. Magugulat ka, ‘yung lupa worth 50 million, ibibigay ni Daddy. Ang pinakamaganda d’yan walang hospital na maganda dito sa Cavite and I hope ito na siguro. Itong birthday niya, imbes na siya ang regaluhan, siya ang nagregalo sa tao. Pag-uusapan pa ‘yung magiging pangalan ng hospital, baka name after the Bacoor, hindi kasi pupuwede sa pangalan niya,”pahayag ni Bong. Nag-donate naman ng 4 million si Pangulong Arroyo para sa pagpapagawa ng bagong hospital sa Cavite bilang regalo niya sa mamamayan ng Cavite.
Determinado si Don Ramon sa maaga niyang paggaling. Katunayan nga, nakapagsabong pa nga ito. “Oo, nag-derby si Daddy, nanalo at nag-champion pa! ‘Yun talaga ang dibersiyon niya noon pa, ‘yung sabong ang nagpapahaba ng buhay niya, himas ng manok, sabungero.”
Birthday gift ninyong magkakapatid sa inyong Ama? “’Yung pagmamahal kay Daddy kasi, hindi na importante ‘yung materyal na bagay. Ang importante, maramdaman niya ‘yung presence mo, nand’yan ka palagi dahil napaka-sensitive niya. Especially now, hindi siya nakakalakad, kaunting ano, tatawag na agad sa akin ‘yan – iyakin ‘yan! Kapag nasa kuwarto naman siya, ang libangan niya ay panonood ng TV. Kung minsan late na rin siyang matulog, around 12 ng gabi, gigising naman siya, 8 in the morning,” say pa ni Bong.