Salamat sa effort ni Sen. Bong Revilla at naipasa na rin ang Amusement Tax Reduction Law. Sa ilalim ng RA 9640, tuluyan nang ibinaba ang amusement tax ng 10 porsyento mula sa 30 porsyento.
Taon din ang binilang bago dininig ang matagal ng panalangin ng movie industry at nakasaad dito na maaring maningil ang mga government units ng amusement tax sa mga operators ng sinehan, concerts halls, karnabal, circuses, boxing stadium at iba pang lugar ng aliwan nang hindi hihigit sa 10 porsyento ng gross receipts mula sa mga admission fees. Inamiyendahan na rin ito ng local Government Code of 1991(30).
Unang-unang nagko-congratulate sa kanya ang amang si ex Senator Ramon Revilla, Sr. Nangilid ang luha ng dating “Agimat King.” Proud na proud siya sa kanyang junior at muling ipinaalala na ipagpatuloy ang pagtulong sa industriyang naglagay sa kanilang pamilya kung saan man sila naroroon ngayon.
Nagbunyi din ang iba’t ibang samahan sa local movie industry at sama-sama silang pinarangalan si Sen. Bong kamakailan lang sa EDSA Shangrila Hotel. Kabilang dito ang National Cinema Association Of the Phil. (NCAP), film Industry Academy of The Phil. (AFP), Movie Producers and Distributors Association of the Philippines (MPIDAP), Phil. Motion Pictures Association (PMPPA), Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) at Cebu Theatres Association.
Hindi nakatiis ang ilang nagsarado ng movie outfits na lapitan si Sen. Bong upang paulit-ulit na pasalamatan. Nangako din silang susulong muli sa pagpo-produce ng mga pelikula. Tiyak na sisigla na ang movie industry at marami na uli ang magkakaroon ng trabaho.
Ayon kay NCAP Pres. Ric Camaligan, itinuturing nila ang Amusement Tax Reduction Law bilang “pag-asa” ng industriya. Malaki na ang posibilidad na makakagawa na ang local film industry ng mahigit na isang daang pelikula kada taon gaya ng dati at kanilang pinuri si Revilla sa accomplishment na ito. Ilang ulit niyang pinasalamatan ang senador dahil sa kanyang hindi maitatangging pagpupursige na mabawasan ang amusement tax bilang paraan upang maibsan ang hirap na kalagayan ng local film industry na tinamaan ngayon sa mataas na pagbuwis, gayundin ng mababang pagtangkilik na bunsod ng paglipana ng film piracy at mas murang movie alternatives gaya ng telebisyon at cable.
Sa kanyang acceptance speech, pinuri rin ni Revilla ang mga movie groups sa kanilang katulad na determinasyon upang maisalba ang bumabagsak na local film industry. Binigyang-diin niyang na nasa kamay ng mga local film producers ang responsibilidad na paunlarin ang industriya ng pelikulang Pilipino ngayong naisabatas na ang pagbawas sa amusement tax. “Government has contributed its share in this endeavor, so now you must act and show our patrons that our films are worth every centavo. Tayo na ang dapat kumilos ngayon, at ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga de-kalidad na pelikula na hindi papahuli sa mga imported films pagdating sa istorya at produksyon, “ ani Revilla, na pinasasalamatan din ang kanyang kapwa mambabatas sa Senado at Kamara Representante sa pagsulong din ng pagbawas sa amusement tax.
“Muli na nating mahihikayat ang mga producer na gumawa ng magagandang pelikula, ang mga sinehan na gawing state-of-the-art ang kanilang mga gamit at pasilidad, at higit sa lahat, ang taumbayan na bumalik sa panonood ng mga pelikulang Pilipino,” paliwanag pa rin ni Revilla.
BULL Chit!
by Chit Ramos