MALAKI ANG PAG-ASA ni Lakas-Kampi-CMD presidential bet Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. na umangat pa at makakuha ng mas maraming suporta mula sa mga botante.
Ayon kay dating Pangulong Fidel Ramos, hindi dapat panghinaan ng loob ang mga kandidatong hindi kagandahan ang ipinakikita sa mga resulta ng survey, tulad ni Teodoro.
Sa pahayag ni Ramos sa mga mamamahayag sa Ninoy Aquino International Airport nang dumating ito sa bansa mula sa kanyang business trip sa Taiwan, sinabi nito na noong tumakbo siya sa pagkapangulo noong 1998, mababa rin ang nakuha niyang paunang ratings sa mga survey na isinagawa ilang buwan bago ang eleksiyon, at maging noong unang linggo ng campaign period.
Nang tangungin kung ano ang dapat gawin ni Teodoro sa kabila ng mababang ratings, sinabi ni Ramos na: “Just be sure you be [your] own man and stick to our own strategies, issues, directions and plans for the well-being of our people and the security of our country.”
Payo pa ni Ramos sa mga nangungulelat sa ratings: “Don’t worry about it; it’s too early. But the low ratings are an indication to work harder.”
Sinabi ni Ramos na paiba-iba noon ang kanyang rating, at noon lang tatlo hanggang dalawang linggo bago ang eleksiyon sumipa nang husto ang kanyang kandidatura.
Bagama’t kapartido ni Ramos si Teodoro, sinabi naman ng dating Pangulo na hindi awtomatiko ang kanyang suporta sa kandidato ng Lakas-Kampi-CMD, at pagkatapos pa ng Semana Santa niya ihahayag sa publiko kung sino ang kanyang susuportahan.
“So far, I’m only convinced who are the ones I’m not going to endorse,” sagot niya nang tanungin kung nakapili na siya ng kandidato.
Bagama’t hindi na ipinaliwanag pa ni Ramos, sinabi nito na pinayuhan niya si Teodoro.
“I suggested to him (Teodoro) to do one thing. It has not yet happened but he is likely to do it.”
Pinoy Parazzi News Service