DAHIL TAPOS NA ang kontrata ni Carmina Villaroel sa GMA-7, may ispekulasyon na lilipat na rin siya sa TV5. Paglilinaw naman ng aktres, wala pa raw final na desisyon tungkol dito.
Pero totoo raw na may mga pag-uusap ngayon between her manager and some TV executives.
“May talks sa lahat,” aniya nga. “Kaya nga naka-float pa kami. Lahat open, kaya mahirap. Wala pa akong masabi.”
Understandable kung mahirapan ngang magdesisyon si Carmina. Lalo pa at balitang gusto pa rin naman siyang i-maintain ng Siyete bilang Kapuso Star. Meron pa nga siyang dalawang shows dito, ang Pepito Manaloto at Day Off. Ipinauubaya na lang daw niya sa kanyang manager ang tungkol dito.
Tungkol naman sa role niya sa pelikulang The Road which will be shown on November 30, happy raw siya being able to portray an entirely different character. Isang malupit na ina kasi ang papel niya. Kabaligtaran sa totoong buhay dahil isa siyang mabait at mapagmahal na Mommy sa kambal na anak nila ni Zoren Legaspi na sina Maverick at Casey.
Walang pagdadalawang-isip na tinanggap daw niya ang nasabing role for a change. Gusto raw kasi niyang maiba naman kumpara sa mga nai-portray na niya before.
Inakala nga raw niya no’ng una na hindi niya kakayanin. And she’s happy na nagampanan naman niya ito nang maayos.
BILANG NAKATATANDANG KAPATID ni Raymart Santiago, hindi maiwasang matanong si Randy Santiago tungkol sa kung ano nga ba ang totoong pinagdadaanan ngayon ng aktor at asawa nitong si Claudine Barretto. At kahit aminadong nagku-confide sa kanya ang younger brother, ayaw niyang magsalita tungkol dito.
“Mahirap magsalita!” aniya nang makausap namin kamakailan matapos ang airing ng Happy Yipee Yehey! “Eh, respeto rin sa kapatid ko siyempre. And kung anuman ‘yong pinagdadaanan niya siyempre, ang importante ‘yong paniniwala ng tao. Dahil Santiago ‘yan, eh. ‘Di ba? Marami kasi ang lumalabas na… ‘di ba? Kung kanino na lang kayo maniniwala. Huwag lang maa-ano… huwag lang talagang tuluyang masira ‘yong pamilya nila. So, kung anuman ‘yong pinagdaraanan nila, sa kanila kasi iyon, eh.”
Ani Randy, intact pa rin daw ang pagsasama nina Raymart at Claudine bilang mag-asawa. Pero may tsismis na matagal na umanong hiwalay ang dalawa at pinagtatakpan lang daw ng mga ito ang totoong situwasyon?
“Oo nga. Iyon ang ano… Pero hindi naman nangyari, e.”
Ano ang nai-a-advice niya kay Raymart sa panahong nag-u-open up sa kanya ito ng mga problema?
“Bilang Kuya, siyempre gusto lang natin na maging tahimik kung anuman ‘yong pinag-aawayan nila. Para sa kanilang dalawa lang dapat. Dahil hindi naman kailangang palakihin. Although siyempre, hindi naman ugali ni Raymart ‘yong nagsasalita. Kaya nga wala kang maririnig sa kanya. Wala namang naaagrabyado, e. In the first place. Kung saka-sakali na… ‘di ba may mga maririnig ka na kinuha ni Raymart ‘yong pera. At the end of the day, hindi ka naman maniniwala na si Raymart ang kumuha ng pera, ‘di ba? Kumbaga, e… huwag lang masira ‘yong pangalan namin. Dahil wala naman kaming record na gano’n.”
Lately, may lumabas ding issue tungkol sa dati nilang co-host sa HYY na si Mariel Rodriguez na ngayon ay co-host na ni Willie sa Wil Time Big Time. Ipinagbabawal umano ng management ng ABS-CBN na banggitin o batiin ang pangalan ng actress-TV host sa anumang programa ng Kapamilya Network?
“Hindi totoo ‘yon! Walang gano’ng sinasabi sa amin. In fact na-interview pa nga ako kung kumusta na si Mariel. Sabi ko… mami-miss at mami-miss mo rin. Dahil siyempre nakatrabaho mo rin naman ‘yon, e.”
Eh, ‘yong tsimis din na namimiligrong masibak na sa ere ang HYY dahil hindi pa rin makaungos sa Eat Bulaga?
“Hindi mangyayari iyon. Dahil… naniniwala kami sa grupo. Hindi naman basta-basta tatanggalin ‘yong grupo na ganitong klase katibay. Stable kami at hindi naman gagawin ng Channel 2 na… ay, huwag na ito, iba naman!” kampanteng paniniyak ni Randy.
“Kumbaga, kaya nga kami kinuha dahil ‘yong tiwala ng istasyon nasa amin. Na… ‘steady lang kayo, pagandahin n’yo… ang mahalaga lang diyan masaya ‘yong taong nanonood sa inyo’. ‘Di ba, ang mahalaga ay masaya ‘yong mga taong nanonood?” sabi pa ni Randy.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan