WALA NA bilang hurado ng Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime si Randy Santiago. Babalik muna siya sa hosting na dati pa naman niyang ginagawa noon.
Ayon kay Randy, naging maayos ang pamamaalam niya sa ABS-CBN bago tinanggap ang offer ng TV5 na mag-host siya ng Sing Galing.
“Nagpaalam kami nang maayos sa ABS-CBN, na pagkatapos ng season four ng Tawag Ng Tanghalan ay magtatrabaho muna kami sa iba para medyo malinis talaga yung papel natin do’n sa kabila. So, tamang-tama naman yung timing na right after the season saka namin inumpisahan itong Sing Galing.
“May mga kumukuha sa atin even before the season ended, kung puwede ako sumali sa ganito, puwede ako mag-host. Sabi ko, tapusin ko muna iyong season four para hindi sumama ang loob sa akin ng istasyon,” paliwanag ni Randy.
Aminado si Mr. Private Eyes na as a host ay kailangan din niyang i-reinvent ang kanyang hosting style katulad ng mga sikat na hosts ngayon na sina Billy Crawford at Luis Manzano.
“Nakakatuwa rin kasi na nakita natin at halos pamangkin na natin yung mga nagho-host ngayon tulad ni Lucky (Luis Manzano), pati si Billy Crawford na ang gagaling na mga hosts. Nakagisnan ko sila habang lumalaki.
“Kung naaalala n’yo when I was hosting VIP (Vilma In Person) kasama si Ate Vi, si Luis takbo lang nang takbo doon sa studio namin tapos nakikita ko si Billy Crawford na ganun din kasama si Kuya Germs. Sa ngayon sila yung tinitingala natin na magagaling at batikan na rin na mga host,” balik-tanaw ni Randy.
Patuloy pa niya, “Nakakakuha tayo ng mga pointers sa kanila kasi iba na yung patawa ngayon, eh. Nung nag-MTB kami, of course, iba rin akong magsalita dahil lagi kaming suspended noon ng MTRCB, so on and so forth.
“Habang tumatanda po ako kailangan medyo mag-adapt din po tayo sa edad po natin. Kaya yon, as much as possible sa hosting natin wala na yung medyo naughty.”
Nagsimulang mag-host si Randy sa TV noong 1986.
“Para bigyan po ako ulit ng pagkakataon ngayon to host a show like this napakalaking bagay nito sa akin. Meron pa palang naniniwala sa akin na marunong akong mag-host,” lahad pa niya.
Samantala, kasama rin ni Randy sa Sing Galing bilang co-host ang dati rin TNT hurado na si K Brosas at Donita Nose.