ISA SI JAYA sa talagang nalungkot sa pamamaalam ng SOP, pero sabi nga niya, “What can we do? May nagdesisyon sa itaas, susunod lang kami.” Pero, wala pa raw siyang idea kung ano’ng show ang papalit sa SOP. Napag-alaman namin sa press launch ng Diva, ang kauna-unahang kantaserye ng GMA-7 na nagtatampok kay Regine Velasquez at kasama rin sa cast si Jaya, na something called Party Pilipinas ang papalit dito na halos kahalintulad ding konsepto, pero wala pang nakaaalam talaga kung nag-level up ba ito.
“Pinapa-stand by lang kami sa kung ano ang ipapalit,” sabi ng tinaguriang Soul Diva. “Hanggang ngayon, malungkot pa rin ako. Kasi, kung iisipin, sa SOP na ako nagkaanak. Hindi nga namin akalaing tatagal ang show, ‘tapos, bigla na lang bumongga!”
Nakakapanibago nga raw.
Marami silang magkukumare at magkukumpare na ginagawang tipanan weekly ang live telecast ng nagsarang programa na ngayon ay nabago ang nakagawian kumbaga. Wala nang nangungulit sa schedule, at kahit paano, makaaapekto raw ito sa samahan.
Pero, sigurado si Jaya, sila nina Regine Velasquez, Ogie Alcasid at Janno Gibbs, walang mababago sa kanila dahil napakatatag na ng pinagsamahan nila through the years.
Nawalan man ng shows (we heard na pati ang show nila ni Allan K na All Star K ay tsugi na rin sa ere), may mga kapalit din para kay Jaya. Higit sa lahat, ang maganda, buo ang kanyang pamilya. May dalawang anak na si Jaya sa kanyang Fil-American husband na si Gary Gotidoc, and she has a stepson sa unang napangasawa ng kanyang mister noon. Nasa U.S. Army Rangers daw ang asawa niya, na really trained to fight kapag may giyera. May tactical training din itong nagtuturo ng iba pang rangers.
“Dangerous talaga, pero ‘yun ang gusto niya, e,” sabi pa ni Jaya.
PER PROJECT ANG deal ni Randy Santiago sa kung saang network. Laging napapanood si Randy noon sa ABS-CBN shows, pero this time, may regular show siya. Kasama si Randy sa Diva, bilang si George del Rosario, ang record producer na magpapasikat sa ugly duckling turned diva na si Regine Velasquez sa takbo ng istorya nito.
Wala raw problema ito. Noon ngang may The Next Big Star pa ay isa sa mga naging bahagi ng show si Randy, pero napapanood pa rin siya paminsan-minsan sa shows ng ABS-CBN noon. Wala naman daw siyang exclusive contract.
Hindi lang nagpapahalata si Randy, pero ang ilang tanong na masyadong personal tungkol sa kapatid niyang si Rowell Santiago, which borders on gay rumors, sinasagot na lang niya in defense of his brother. Sabi nga niya, hindi komo nasa ganoong edad si Rowell at walang karelasyon, pagkakamalan na itong bading.
Aware din si Randy na maraming babae riyan ang nagnanasa sa kapatid niya, pero nirerespeto niya bilang kapatid ang personal na desisyon nitong ayaw na munang magkarelasyon, for whatever reason.
Calm Ever
Archie de Calma