SA PREMIERE night kamakailan ng idinerehe niyang comedy film na Raketeros, kung saan bida sina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Ogie Alcasid, Dennis Padilla, at Andrew E, hindi nakaiwas si Randy Santiago na matanong ng press tungkol sa usapin ngayon sa kapatid niyang si Raymart at asawa nitong si Claudine Barretto.
“Actually kung ang public ang magdya-judge, siyempre… babae ‘yon, eh. Kahit papano, ‘di ba? Kahit papano, alam naman nating… maaari siyang paniwalaan. Pero ang pinanghahawakan na lang natin ay ‘yong tiwala ng industriya… ng movie industry… kung sino ang papanigan.
“Although as much as possible, sana ma-settle nang maayos. Hindi naman kailangang magsiraan. Kung ayaw n’yo na talagang magsama, eh ‘di huwag kayong magsama. Siyempre hindi naman natin alam kung ano ang pinagdadaanan nila. Dahil unang-una siyempre, hindi naman tayo nakikialam. Kami eh, nakaalalay lang.”
Sumasama ba ang loob o nau-offend siya at ang pamilya Santiago sa mga akusasyong ibinabato ngayon ni Claudine kay Raymart?
“Nakaka-offend. Siyempre. Lalo na ang nanay ko. ‘Di ba? Alam naman natin na masakit para sa isang nanay na marinig mo na… kasi walang makapagsalita sa amin, eh.
“Ako nga, in as much as gusto kong magsalita, ayoko ring magsalita. ‘Di ba? Kung anuman ‘yong gusto ko ring sabihin na paunti-unti, iyon… naibabahagi ko kahit papano.”
Bumalik ba ito sa poder ng kanilang mommy?
“Paano-ano lang… palipat-lipat. Minsan nasa akin. Minsan naka’y mommy. Siyempre magulo pa ‘yong situwasyon, eh. Ayaw naman niyang mag-isa.”
Nag-attemp ba sila to mediate para mapag-ayos sina Raymart at Claudine?
“Perennial problem. In other words, parang… nangyayari at nangyayari, eh. ‘Di ba? Through the years, alam naman natin… titira sa akin (si Raymart). Tapos babalik do’n kapag nagkabati,” kay Claudine ang ibig niyang tukuyin.
Sa nangyayari ngayon, kagaya pa rin ba nang dati bago nagkaroon ng problema ang pagtingin ng pamilya Santiago kay Claudine o nag-iba na?
“Katulad ng sinasabi ko… ayaw lang namin ng nakikialam sa situwasyon nila. Pero ‘yong… kung sinasabi mo, ayaw na namin? Hindi naman gano’n. Dahil in time, kailangang mag-heal din ‘yan, eh. Mag-usap sila na… tama na. Kung ayaw n’yo na talaga, e ‘di huwag na, ‘di ba? Pero para magsiraan kayo, huwag naman.”
Tama!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan