DEMANDAHAN NA nga ang kaha-hantungan nitong gulo nina Mon Tulfo laban sa mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.
Nag-file na si Mon ng kasong Grave Coercion at Physical Injuries laban kina Raymart at Claudine.
Idinamay pa raw ni Mon ang ilang mga pulis at security guard na tingin nito tumulong pa sa pambubugbog sa kanya.
Ang hirap nito, magkakaiba sila ng statement, eh. Ang sabi ni Mon, sina Raymart at Claudine ang naunang nanapak sa kanya. Nakita nga naman sa kumalat na video na pinagtulungan ito nina Raymart at Claudine kasama ang isang kaibigan nila.
Pero ang sabi naman ni Raymart nang humarap ito sa presscon nu’ng kamakalawa ng gabi, si Mon daw ang nauna.
Nagtaka raw siya bakit bigla na lang daw siyang sinapak at sinipa ni Mon nang nilapitan niya ito para tanungin kung para saan ‘yung pagkuha niya kay Claudine habang tinatalakan nito ang ground stewardess.
Ngumingisi lang daw si Mon at bigla na lang daw siyang sinapak at sinipa. Nang lumapit daw si Claudine para kumprontahin ito, tinulak din daw niya ito at sinipa.
Kaya roon nagalit si Raymart, kaya tumulong ang kaibigan nila na sapakin ito.
Ang sabi ng abogado nina Raymart, sana raw maglabas ng kopya ng CCTV ang NAIA 3, dahil naniniwala raw silang merong CCTV roon. Kaya dapat huwag naman daw nila itago.
Pero kung sakaling wala ngang mailabas, nanawagan silang sana may mga witness daw na lumabas para sabihin kung sino talaga ang naunang sumapak.
Sobrang na-trauma raw ang mga anak nila nang nakitang sinasaktan sila ni Mon.
Kaya balak nina Raymart na kasuhan si Mon ng Physical Injuries at Child Abuse o Rep. Act 9262 dahil sa traumang inabot ng kanilang dalawang anak.
Hindi naman daw natatakot si Raymart sa mga pananakot ng mga kapatid ni Mon.
“Kakampi ko ang Diyos dito. Sana sa totoo na lang tayo. Sana magpakatotoo na lang,” pahayag ni Raymart.
Ayaw namang patulan ni Raymart ang hamon ni Erwin Tulfo na mag-mano-mano silang dalawa.
Sabi ni Raymart, hindi naman daw siya ang kaaway nito at hindi naman daw siya ang naghahanap ng gulo. Basta wala raw siyang kinatatakutan dahil nasa totoo lang daw sila.
Hay, naku! Hindi ko na alam kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo. Mabuti na nga sigurong sa korte na lang sila magharap para malaman kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo.
Matinding away na ito, kaya natabunan ang bugbugang isyu ni Albie Casiño at pansamantalang nakalimutan na rin ang away nina Annabelle Rama at Nadia Montenegro.
Teka dinemanda naman daw ni Amalia Fuentes si Ruffa Gutierrez, ha! Saka na natin pag-usapan ‘yan. Naloloka na nga ang Startalk reporters namin sa dami ng mga kasong kinu-cover nila.
Abangan n’yo na lang ang mga mainit na isyung ito sa Startalk.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis