KAHIT HINDI pa tapos ang masalimuot na usapin at ongoing pa ang mga kaso nila sa isa’t isa ng asawan niyang si Claudine Barretto, maaliwalas na ang aura ngayon ni Raymart Santiago. Parang unti-unti na siyang nakaka-recover. “Slowly… yes!” aniya nang makakuwentuhan namin kamakailan. “Siyempre kahit papano, nami-miss ko ‘yong mga anak ko. Pero I’m moving forward. Kapag may time ako ngayon, ibinubuhos ko sa mga kapatid ko. At sa mommy ko.
“Dati, lagi kong kasama ang pamilya ko,” pagtukoy niya kay Claudine at sa dalawa nilang anak. “Ngayon sa mommy ko na. Madalas kaming nagkikita.”
Nature ni Raymart ang pagiging tahimik lalo pagdating sa personal niyang buhay. Pero sa nangyaring problema nila ni Claudine na humantong pa nga sa korte ang usapin, naging vocal siya sa pagsisiwalat ng kanyang panig at saloobin.
“Kailangan ko na rin kasing magsalita. Dahil masyado na akong nadidiin. May mga ibinibintang sa akin na kailangan kong sagutin. Siyempre ipaglalaban ko ang pinaniniwalaan kong katotohanan.”
Sa lagay ng situwasyon nila ni Claudine sa ngayon, tila malabo na nga na magkabalikan pa sila ni Claudine. Hindi ba niya naiisip na buksan ulit ang kanyang puso para sa panibagong lovelife?
“Ayoko munang mag-isip-isip ng ganyang bagay sa ngayon,” nangiting sabi ni Raymart.
Kung saka-sakali ba, ayaw na niya ng taga-showbiz ang makarelasyon niya? “Hindi ko rin masasabi kung kanino ako mahuhulog o anuman. Pero sa ngayon, wala.”
Nagkaroon ba siya ng trauma o phobia sa pakikipagrelasyon?
“Magiging ipokrito ako kung sasabihin kong hindi. At hindi mo naman matatanggal ‘yon. ‘Di ba? Pero iniisip ko rin… meron namang magandang kinabukasan siguro. May magandang naghihintay na kahahatungan nito,” ng pinagdadaanan niya ngayon ang ibig niyang sabihin.
Hindi kaya kapag nagkaroon siya ng panibagong relasyon, bumalik-balik pa rin sa isip niya ‘yong masalimuot na pinagdaanan ng pagsasama nila ng dating asawang si Claudine?
“Eh, kapag gano’n, hindi ka pa ready no’n. And kung sa ngayon, pipilitin ko ang sarili ko into another relationship, baka nga maging gano’n. So it’s very unfair. Kung sino man ‘yon na sunod kong makakarelasyon. ‘Di ba? Kung papasok ako sa isang relasyon, kailangang sigurado ako. Pero sa ngayon, hindi ko kaya. Ang focus ko ngayon, sa mga anak ko. At saka trabaho.”
Malaking bagay raw kay Raymart na busy na naman siya ngayon sa trabaho. At natutuwa siyang mapasama sa cast ng remake ng seryeng Villa Quintana sa GMA-7.
ENJOY RAW si Andre Paras sa hosting stint nila ng kapatid niyang si Kobe sa Sunday All Stars (SAS). Dahil baguhan pa lang, aminado siyang medyo nangangapa pa raw sila.
“Getting used to it pa lang,” ani Andre. “Pero it’s really fun getting to interview other people and also being with other artistas. I was having fun. And learning at the same time.”
Ang daddy nilang si Benjie Paras, ano naman ang reaksiyon ngayong nasa showbiz na rin sila?
“Actually, he’s happy for us. Na step by step… host muna, before doing something big. Or before having a show.
“And advice lang niya sa aming dalawa ni Kobe… just be yourself, continue to learn, and enjoy what you’re doing.
“Have fun daw. Kasi mga bata pa kami.”
Bukod sa paghu-host for SAS, kasali na rin sila sa gag show na Bubble Gang. Hindi raw nila inaasahan na kaagad-agad ay mabibigyan sila ng ganitong opportunities.
“That’ my favorite show also sa GMA. Kaya sobra akong grateful. It was fun. Kasi usually, alam ko kapag taping, it’s more of antok kapag inaabot kayo ng morning. Pero masaya sa set. Tawanan lang po.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan