The Pillar
by Pilar Mateo
HINDI KO KINAYA ang kuwentong nakarating sa akin tungkol sa isang nagpapaka-generous sa pamimigay niya ng gifts sa mga taong close sa kanya. Dahil na rin siguro sa may ibinabalik siyang favors sa mga ito.
Ang maganda pa nga du’n, fabulous daw kung magregalo ang nasabing celebrity in his own right. Kasi, name brand ang inireregalo niya. Mamahalin. At hindi basta-basta nakakayang bilhin. In short, panay Louis Vuitton daw kung magregalo sa mga taong nakakatrabaho niya ito.
Minsan, may kinailangan ‘atang i-repair sa Louis Vuitton na iniregalo sa kanya ang isang sikat na direktor. So, go naman ito sa kung saan nga puwedeng magawa ang kanyang bag. Ikinaloka raw ng nasabing direktor ang sinabi sa kanya ng kausap, peke raw ang kanyang dalang item kaya hindi nila ito magagawa.
Hindi lang daw ang direktor ang nabiktima na ng nasabing generous giver, ha? Pati raw ang isang PR-Manager na dating nag-work sa kanya eh, naloka rin nang matuklasang ‘pekinese’ din ang naibigay sa kanyang LV.
Mukhang nahukay ang nasabing kuwento dahil nga sa Showbiz News Ngayon ng partners na sina Boy Abunda at Kris Aquino eh, madalas na ma-feature ang mga name brands at halaga ng mga gamit ng ating celebrities, lalo na sa mga kababaihang nahihilig nga sa bags at iba pang aksesorya. Na hundreds of thousands o millions nga ang halaga, pero trukaret pakbet at hindi pekinese, huh!
NU’NG LAST NIGHT namin sa Lago del Rey ni Governor LRay Villafuerte sa CamSur, bumalik na kami agad sa aming cabin para maagang makatulog for the early flight the next day. Kahit na naririnig namin sa aming cabin ang fireworks at ang music ng True Faith at ng mga dyuma-jam sa banda, may iba pang mga ingay na umalingawngaw sa palibot ng aming cabins that night.
Meron kasing bigla na lang nagsisigaw nu’ng madaling-araw na. At may mga nag-uusap na babaeng pinipigilan ang isang guy na huwag nang lumabas ng kuwarto o umalis pa from where they are.
Meron namang nag-ikut-ikot nu’ng marinig nga ang malakas na sigaw. At nag-usisa sa guard na nagru-roam para bisitahin ang palibot ng mga cabins. Ang say ng guard, nakatapak diumano ng basag na bote si Raymond Gutierrez kaya napahiyaw ito sa matinding sakit. Pero ‘yun lang ang kuwentong naibahagi niya.
Hindi naman namin nakita si Raymond, kinabukasan, para mausisa dahil sa afternoon flight ‘ata ito naka-book. Marami sana kaming gustong malaman kung bakit siya kailangang matibo sa napaka-well kept pathways going into our cabins.
Pero prior to that night naman, aliw na aliw kaming panoorin si Raymond and his newfound friend in the person of Carla Humphries. Kasi nga, kung titingnan mo, para silang mga lovebirds sa sobrang ka-sweet-an nila sa isa’t isa.
Umugong din ang balita after our first day na nu’ng party the first night, nu’ng magkalasingan, magkahulugan sa pool, talagang hindi naghihiwalay sila Carla at Raymond. At may mga moments pa nga raw na parang nagdidikit na ang mga labi ng dalawa.
Aba, kung ganito ang balita sa kanyang binata, for sure, ikatutuwa ito ni Tita Anabelle (Rama). Dahil kung boto siya kay Carla, hindi malayong ito na ang babaeng ipakikilala ni Raymond sa kanyang pamilya.
NO LESS THAN the legendary business tycoon na si Henry Sy ang personal na nag-congratulate kay Fanny Serrano kaugnay ng Cosmetologie ’09 na tatlong araw na ginawa na sa SMX ng beauty guru, at dinaluhan ng naglalakihang stars and celebrities.
Pagkatapos nga ng successful first major project ni Fanny, na siyang pangulo ng PICA, nakatanggap ito ng mga text messages na nagsasabing flop naman daw ang kanyang proyekto. Na tinawanan lang niya. Hindi raw siya magbubuwelta ng panlalait sa mga gustong ma-insecure sa kanyang nasimulan. Dahil ang goal niya naman daw eh, hindi makipag-away. Pagkakaisa pa rin daw ang minimithi niya. Dahil para kay Fanny, hindi sila ang magkakalaban. Ang kalaban nila eh, ‘yung nasa ibang parte raw ng Asya na mga beauty gurus din at ang malagay nga ang ‘Pinas sa mapa ng mga international hair and make-up competition.
At ngayon,for the next three years, may ‘playground’ na kumabaga ang PICA ni Fanny, sa personal na imbitasyon ni Mr. Henry Sy. Ganu’n lang naman ‘yon, ‘di ba? Excel in what you do. And give your best. Kanya-kanyang kembot, kanya-kanyang kendeng, sabi nga sa isang kanta!