NAWAWALA YATA SA eksena si Makisig, wala kasing gaanong project sa Kapamilya network. Biglang nanahimik ang kanyang singing and acting career. Katuwiran niya, “Sa ngayon po busy ako sa pag-aaral at dubbing ng Super Inggo animation. Nakapag-taping na rin po ako last November ng Mahal Na Mahal Kita na bagong teleserye. Naka-three days taping na po ako, ‘yun po ang maximum taping days.”
Sinabi rin ni Makisig na alanganin daw ang edad niya kaya nahihirapan siyang hanapan ng project pero nakahanda naman siyang maghintay. “Hintay-hintay na lang po tayo kung may project na babagay sa edad ko. Siguro po ‘pag nag-13 or 14 na ako, 12 years old po ako ngayon, magkakasunud-sunod ulit ang project ko,” simpleng sagot niya sa Christmas party ng Star Magic.
Sa totoo lang, napag-iwanan na si Makisig ni Rhap Salazar na may sarili nang album at nakapag-guest na sa show ni Ellen Degeneres. Ikinatuwa pa niya ang magandang pangyayari ‘yun sa Singing Champ. Hindi mo kakikitaan ng inggit or insecurity sa katawan ang binatilyong ito. “Siyempre, congratulations kay Rhap kasi, naabot na rin niya ‘yung pinapangarap niya tulad ni Ate Charice. Nang magkita po kami ni Rhap sa Awit Awards lumapit po ako sa kanya, sabi ko, congrats at nayakap mo rin si Ellen, ‘yun,” sambit niya.
Tulad ni Makisig, nangangarap din siyang makilala sa ibang bansa kaya patuloy pa rin ang pag-eensayo niya sa pagkanta tuwing uuwi siya galing sa eskuwela. “Okey po ‘yun kung papalarin, okey na okey, pero kung hindi naman, okey pa rin po. Hindi ko naman po pinababayaan ang singing ko, kasi rito ako unang nakilala bago ako nag-artista. At least ngayon po, nakapag-aaral akong maigi, nasa 1st year high school na ako,” sey pa niya.
Kahit madalang lang mapanood sa TV si Makisig, busy naman siya sa mga provincial shows at shows abroad. Katunayan nga, next year (April) naka-schedule mag-show sila ni Kitkat sa Alaska.
KUNG HATAW SA dance floor ang pag-uusapan, bilib kami kay Rayver Cruz. Kita naman sa body movement, dance steps at facial reaction kung gaano kahusay sumayaw ang binatang ito. Ramdam mong pumapasok sa kaloob-looban ng kanyang pagkatao ang maharot na tugtugin. Lumalabas ang sex appeal ng actor tuwing napapanood natin siyang sumasayaw sa ASAP.
Kaya lang, pagdating sa drama, bigo kami kay Rayver. Hindi namin maramdaman ang mga dramatic scenes niya with Maja Salvador sa May BuKas Pa. Kahit umiiyak na sa eksena, hindi mo ma-feel, walang emosyong nanggagaling sa puso, parang wala lang. Alam mo kasing umaarte lang, hindi maramdaman ng manonood ang kanyang eksena, ang character na kanyang ginagampanan. Hindi ‘yung de-kahon, method acting na wa-epek na sa viewing public. Namnaming maigi ang bawat linya, ilagay sa puso ang bigat ng papel na napasa-kamay niya. I’m sure, makakayang gawin ‘yun ni Rayver in the near future.
Well, mahirap talagang maging dramatic actor kung ‘yun ang gustong ma-achieve ni Rayver. Kulang sa karanasan ng buhay ang binatang ito, zero ang love life at never been in love kahit ini-link na kina Maja Salvador, Shaina Magdayao at Sarah Geronimo.
Kumbaga, wala pa sa utak ni Rayver ang mambabae kahit may mga nagpapalipad hangin na. Wala kasing malisya sa katawan ang binata, deadma lang siya sa mga ito. Kailangan sigurong ma-discover niya kung papaano maging isang mahusay na artista.
Sa sariling determinasyon at focus sa trabaho, naniniwala kaming malayo ang mararating ni Rayver as a dramatic actor. Kailangang patunayan, ‘yan ang aabangan namin sa mga susunod na eksena sa teleserye ni Santino.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield