MARTIR DIN NAMAN sa maraming pagkakataon si Rayver Cruz, dahil para sa kanya ay kaya niyang magtiis na siya ‘yung madikdik ng mga intriga, basta huwag lang ang ibang tao sa kanyang paligid ang masaktan at madamay. Ang nakakaawa lang siyempre sa kanya ay ‘yung dadaanin na lang niya sa ngiti ang mga nangyayari, habang nasasaktan naman ang kanyang kalooban. Hindi siya abusado, na kahit ang kanyang angkan ay kilala sa showbiz, magpi-feeling wala siyang pakialam sa ibang tao na bagong salta lang sa field na ito.
Nagbunga ang pagpapakamartir ni Rayver na habang nagsasalita ang kabilang kampo na mayroon silang kinapapaloobang kontrobersiya ay hindi siya bumubuwelta ng sagot. Inilaglag siya noon ni Cristine Reyes sa pagsasabing akala niya’y okey na, na parang puwede na silang dumiretso ng matangkad na aktor sa isang magandang relasyon.
Pero mayroon palang ibang girl na masasaktan kapag nangyari iyon. Lumabas tuloy na parang namamangka sa dalawang ilog si Rayver. Hindi nagsalita ang binata, at sa tagal ng kanyang pananahimik, ang ending ay naging okey na sila ulit ni Cristine, at magkasama na sila sa teleseryeng Kristine ng ABS-CBN.
Mas lalo namang kahanga-hanga ang pananahimik ni Rayver nang paghiwalayin sila ng intriga ni Sarah Geronimo. Nitong huli, maganda na ang sinasabi ni Sarah tungkol sa binata. Pero ang sobra lang nakalulungkot, ‘diumano’y hanggang ngayon ay deadma pa rin si Mommy Divine Geronimo sa mga pagmamagandang-loob ni Rayver, na kapag mayroong okasyon ay buong-paggalang na gini-greet niya ang Mommy ni Sarah.
Nakaaawa pa rin ang guwapong aktor, dahil kapag kinumusta mo ang nararamdaman niya sa patuloy umanong pangdededma sa kanya ni Mommy Divine, ay ngingiti at iiling na lang siya, para huwag na lang magkaroon ng isyu.
KAMAKAILAN AY NAPADAAN kami sa studio ng The Buzz ng aming kasamahan sa Philippine Movie Press Club na si Mildred Bacud. Habang nagpapatuloy ang programa, nakikiramdam lang kami. Ako kasi, magmula nang magkaroon ng isyu tungkol sa pagtataray ni KC Concepcion sa ilang kasamahan natin sa press tungkol du’n sa isyu nila ni Piolo Pascual, tinamad na ring bumisita sa programa ni Kuya Boy Abunda. Pero dati namang mabait si KC, kaya inoobserbahan ko pa rin siya nang hapong iyon.
Nang matapos na ang programa, kaming dalawa ni Mildred ay sinamahan ng PR ng The Buzz na si Julie Bonifacio sa dressing room ni KC para mainterbyu ang anak ni Sharon Cuneta. Kasabay sana naming mag-iinterbyu ang staff ng SNN (Showbiz News Ngayon) pero hindi na pinagbigyan. Nang lumabas ng dressing room si KC, kasama niya si Nancy Yabut, na may mataas na katungkulan sa The Buzz. In fairness kay KC, habang naglalakad kami sa hallway ng ABS-CBN at bumabato na kami ni Mildred ng tanong at nakahatag ang aming tape recorder, sumasagot siya. Kaya lang, ‘yung Nancy Yabut, parang ayaw talagang hiwalayan si KC, kaya bumubuntot na lang kami at nagtatanong habang naglalakad sila.
Huminto na lang kami ni Mildred magtanong kay KC. Kasi nga, nandu’n si Nancy, at baka napakaimportante ng kanyang sinasabi sa anak ng Megastar. Kaya wala talaga siyang pakialam na huminto man lang saglit para kahit limang tanong ay makasagot si KC, paggalang man lang sa press. Nang papalabas na kami ni Mildred ng ABS-CBN, sabay muna kaming nag-CR sa tabi ng DZMM.Paglabas namin, sa parking area sa harap ng DZMM ay naghihintay si KC ng kanyang sasakyan, tanaw naming naroon pa rin at tsumitsika si Nancy sa kanya.
Pero kahit gano’n ang nangyari, magaan na ang loob at love na ulit namin si KC. Bago ang pagkikitang ‘yan, nagpakita kasi sa amin ng kakaibang ugali ang anak ng Megastar kumpara sa ibang artista. Nu’ng um-attend kasi siya ng PMPC Star Awards For Music, hinatid namin siya sa magandang upuan sa loob ng theater, kasi baka siya madulas sa floor na mayroong mga kable, laging sabi ni KC: “Okey lang po ako!” at nu’ng nasa backstage na siya at sa tabi niya ay mayroong madumi at mamasa-masang lugar, sabi ng isang member ng PMPC ay pupunasan daw, dahil diyahe kay KC. Sabi ng anak ni Gabby Concepcion: “Huwag na po, okey lang po ako!” mabait at walang kaarte-arte. Kaya papaano mo namang hindi mamahalin ang KC na ‘yan?
ChorBA!
by Melchor Bautista