ILANG ARAW na lang ay papasok na ang buwan ng Mayo. Sa pagpasok ng buwan na ito ay sigurado ring magsisimula na ang pag-count down ng mga politiko sa isang taong paghahanda para sa presidential election sa May 2016. Simula na naman ng mga pakulo at patalastas sa telebisyon na may temang pahaging sa isang kandidatong nagsisimula nang mangampanya sa temang pasimple at pagkatinanong naman ng Commission on Elections (COMELEC) ay animo’y magmamaang-maangan na hindi ito pangangampaya kuno, pero lantaran ang motibo ng patalastas na ito.
Sa panahong ito rin namumuhunan ang ilang mga tiwaling businessman at drug lords na maghahanap ng kanilang mamanukin at magiging padrino kapag umupo na ito sa puwesto. Dito nagsisimula ang paikut-ikot lang na takbo ng bulok na sistema ng pulitika sa Pilipinas. Pera-pera lang ang usapan at pera ang pinakamakapangyarihan sa labanang ito. Kung wala kang pera ay wala kang lugar sa Philippine politics kung tawagin. Kabaligtaran talaga ng sinabi ni Plato na “those who rule cannot own, those who own cannot rule.” Dahil dito sa Pilipinas, “those who own can rule and those who rule can own.”
Kung totoo mang pinagplanuhan talaga ang pagpapabagsak kay Vice President Jejomar Binay, mukhang nagtatagumpaay na ang mga ito. Malaki kasi ang ibinagsak ng parehong popularity at performance rating ni VP Binay. Malaki rin ang hinabol ng rating ni Senator Grace Poe na halos pumantay na sa rating ni VP Binay.
Subalit, tila hindi naman ito nakapapabor sa karera ni DILG Secretary Mar Roxas bilang inaasahang mamanukin ng Liberal Party at susuportahan ng administrasyong PNoy. Isinisisi kasi kay Roxas ang pagbagsak ng rating ni VP Binay at siya ang pinaghihinalaang utak nito.
ANG TAMBALANG Poe-Escudero ang pinakamatunog ngayon. Noon pa mang 2010 election ay matunog na ang pangalang Chiz Escudero. Kung tutuusin ay malaki ang nagawa ng endorsement ad na inilabas noon ni Escudero para sa Aquino-Binay sa presidential race. Kaya hindi puwedeng maliitin ang impluwensiya ni Escudero sa isang national election. Ang naging performance naman ni Poe sa nakalipas na mga taon ay hindi rin matatawaran. Masipag, matapat, at matalino ang mga pangunahing katanging lumalabas sa mga bibig ng tao kapag inilalarawan nila si Poe.
Perfect recipe ang sabi ng mga political analyst sa tambalang Poe-Escudero. Ngunit, sa kabila ng ito ay nanatiling haka-haka ang lahat kung tatakbo nga ba ang dalawa para sa presidential race at kung magsasanib-puwersa sila. Sa kasalukuyan ay tanging si VP Binay at Senator Miriam Defensor-Santiago ang tahasang nagpahayag ng kanilang pagtakbo sa pagkapangulo sa darating na 2016 May elections.
Ang pangalang Rodrigo Duterte ay isang puwersa ng displina na kailangan nating mga Pilipino. Isang banta sa mga masasamang tao, kriminalidad at mga magnanakaw sa gobyerno. Simple, makamasa, magaling magdisiplina, at mahusay na punong alkalde sa Davao. Maraming nagsasabi na siya nga raw ang magtatapos ng lahat ng kalokohan sa gobyerno at lulupil sa mga kriminal sa buong bansa. Parang action-hero kung iaanalisa ang imahe ni Duterte, sa paningin lalo na ng mga maralita sa bansa.
SA PAGPASOK ng buwan ng Mayo ay maraming selebrasyon ng town fiesta ang magaganap sa buong kapuluan ng bansa. Panahon din kasi ng mga kapistahan sa Pilipinas ang May na pinangungunahan ng Flores de Mayo. Ito ay isang mayamang tradisyon na minana natin sa mga Kastila at naging bahagi na ng ating kultura sa loob ng 4 na siglo. Dito rin umeepal ang mga politiko na nagbabalak kumandidato sa darating na eleksyon sa susunod na taon.
Ang lahat ng pagtatanghal sa panahon ng fiesta ay tiyak na gagamitin ng mga pulitiko para magpasikat at magpabango ng pangalan. Mukha nila ang tatambad sa mga naglalakihang tarpaulin at mga banderitas na tila isang mahabang sinulid na tumatahi sa bawat barangay ng isang malaking bayan sa probinsya. Pangalan at mukha rin nila ang nakaukit sa mga medalya at tropeyo ng bawat patimpalak. At pawang mga talumpati ng pambobola ang aalingaw-ngaw sa mga mikropono at trompa ng isang programa sa fiesta ng barangay.
Sino ba naman ang tatanggi sa mga tulong at pondong iniaalok ng mga politiko, lalo at kailangan talaga ng pera para maitawid ang fiesta sa barangay. Ang mga punong barangay at kagawad, kasama ang mga lider-lideran sa lugar nila ang mismong pasimuno sa paghingi ng pondo sa mga pulitikong ito. Ito na kasi ang kalakaran simula pa noong panahon ni Mahoma. Isang willing victim ang mga barangay sa pag-take advantage ng mga politiko sa mga ganitong panahon. Sa huli ay matagumpay nilang mailalatag ang kanilang mga plano para mapalawig ang kanilang termino at maidagdag sa mahabang listahan ng kanilang angkan sa pulitika, ang bunsong anak, asawa, at pamangkin sa puwesto.
KAILAN TAYO uunlad? Paano natin babaguhin ang paulit-ulit na sistemang bulok na pamumulitika sa bansa kung nakabaon ito sa ating kultura? Ang mga namumuhunan sa pulitika ay magpapatuloy lang sa kanilang masasamang gawin gaya ng droga at pasugalan dahil patuloy rin na nailuluklok ang kanilang mga padrino at sinuportahang kandidato sa puwesto.
Ang katotohanan at kasalukuyang kalagayan ng ating sistemang pulitika sa bansa ay nakasusulasok. Ang pinakamalungkot ay tila lulong na sa sistemang ito ang maraming Pilipino na maihahalintulad sa isang adik sa droga, kung saan hindi na namamalayan nito ang nagaganap at pang-aabuso sa kanya.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Abangan ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo