“GUSTO MO bang yumaman?” ang mga salitang nakahihikayat ng pagsang-ayon agad-agad. Mga salita rin ito na nakapanlilinlang ng kapwa. Ito ay sa kadahilanan na nagkalat na ang mga may masasamang kaluluwa na nambobogus ng mga tao. Mga salita ring ito ay nakapaghi-hypnotize ng mga tao. Kadalasan ang linyang “Gusto mo bang yumaman” tapos susundan ng “Tara, kape tayo,” ay mga linya ng nanghihikayat sumali sa mga networking.
Kapag pera ang pinag-uusapan, napaka-ironic ng mga kaganapan? Dahil kahit mahirap magtiwala kapag pera ang pinag-uusapan, madali naman tayong mapapapayag sa tuwing mapapangakuan na yayaman o dodoble ang pera sa loob ng isang buwan.
Mga bagets, dapat maging matalino at maging wais lalo na kapag pera ang pinag-uusapan. Dapat ngayon pa lang marunong na tayong humawak ng pera. Dapat ngayon pa lang may sariling pera na tayo. Hindi dahilan ang pagiging estudyante at umaasa pa sa magulang sa ‘di pagkakaroon ng sariling pera. Dapat ngayon pa lang, nagsisimula ka na sa pag-secure ng financial capabality mo.
Kaya ang tanong, paano?
Dito na papasok ang konsepto ng pagtitipid at pag-iipon. Nariyan ang 52 money week challenge. At nariyan din ang bestfriend nating si piggy bank! Siguro naman lahat tayo ay may ipon kahit papaano. Nakaiipon din naman tayo sa pagtatabi ng pabente-bente mula sa ating mga baon kada araw. Pero sa tingin mo, sapat na kaya ito?
Gusto kong ipaliwanag sa lahat ang konsepto ng “inflation”. Ano nga ba ang inflation? Ito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Halimbawa: ang P500 mo ay nakapupuno pa ng isang buong cart ng groceries noong taong 2003. Pagkalipas ng limang taon, halos mangalahati na lang ng groceries ang cart mo. At ngayong 2015, naka-basket ka na lang, baka nga i-paper bag na lang ang mga nabili mo sa halagang P500.
Kaya, ano ang ipinararating nito? Kung marami ka ngang ipon na naitabi simula pa noong mga nakaraang taon. Talo ka pa rin dahil lugi ka sa inflation kasi iba na ang value ng pera mo. Ano ang solusyon dito para malabanan ang inflation? Invest.
Puwede tayong makapag-invest sa mga pooled funds sa halagang 5,000. Ang pooled funds ay ang pagkalap ng fund manager ng pera mula sa iba’t ibang investors, ilalagay ito sa mga investment outlets at palalaguin ito sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng shares o units ng investment mo paglipas ng taon. Tama, habang lumilipas ang panahon, tumataas ang value ng pera mo sa investment mo hindi gaya kapag nasa piggy bank lang. Maraming mga credible banks at institutions na puwede ninyong makausap para makapag-explain sa inyo ng konsepto ng pooled funds.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Huwag n’yong hintayin na kayo ang magtatrabaho para sa pera n’yo, hayaan n’yong ang pera n’yo ang magtrabaho para sa inyo. Kasi ganyan ang bagets, matalino na, wais pa!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo