BIGLANG UMEKSENA ITONG si Bohol 1st Dist. Rep. Rene Relampagos sa gitna ng kaliwa’t kanang mahahalagang isyu na yumuyugyog sa ating bansa. Kumbaga, “wa siya pakels” sa anumang kaguluhang kinasasangkutan ng Kamara, Palasyo at Korte Suprema!
Ang mahalaga kay Rep. Relampagos ay ang makasipsip nang husto sa pamilya Aquino. Maka-epal, ‘ika nga! Huh!
Bakit? Aba eh, sukat ba namang ihambalang ng kongresistang ito ang kanyang panukala, na marahil, para sa kanya ay napakahalaga!
Kesyo, nararapat lang palitan ang pangalan ng EDSA (Epifanio Delos Santos Avenue) at gawin itong Cory Aquino Avenue o CAA. Dahil sa kaganapan umano noon sa EDSA kung saan naging mahalaga ang presensiya ni Tita Cory. Kaya nga sa tuwing dumadaan umano ang taumbayan d’yan sa EDSA ay bigla nilang naaalaala si Tita Cory!
Ano? Hindi ba Ginoong Relampagos, sa tuwing daraan ang mga tao d’yan sa EDSA ay biglang tumataas ang kanilang alta presyon dahil sa konsumisyon sa tindi ng trapiko?
Eh ‘di, kung papalitan man ng pangalan ‘yang pinakamatrapik na kalsadang ‘yan ay hindi para gawing CAA. Sa halip ay pangalanan ‘yan na Problematic Avenue!
Sa totoo lang, parekoy, akala ko noon kapag gumagawa na ng batas ang isang tao o kongresistang naturingan ‘ika nga, ay matalino ito. Mali pala ako, maling-mali! P’we!
Dahil ang panukalang batas na ito ni Rep. Relampagos ay hindi ko masilipan ni kapiranggot na importansya, pangangailangan at katalinuhan! Sa halip ay ma-tinding ka-epalan, kabobohan at ibayong katarantaduhan!
Ang pagkaalam natin, nang iniluklok ng mga taga-unang distrito ng Bohol itong si Rep. Relampagos ay buo ang “trust and confidence” ‘ika nga ng kanyang constituents na magpapakitang-gilas ito ng katalinuhan sa Kongreso. Wala marahil ni sa hinagap ng mga taga-Bohol na magkakalat lang pala ito ng ka-epalan!
Napapanahon lang marahil na isulong ng kanyang constituents ang isang “recall election” laban kay Rep. Rene Relampagos!
Ano ang ground? Hehehe, lost of confidence at betrayal of public trust!
‘Yan na lang, parekoy, kasi naman hindi tinatanggap ng Comelec ang ground na too much foolishness!
Hak, hak, hak!
PATONG SI MAYOR Meynardo Sabili sa lantarang iligal na sugal sa Lipa City.
‘Yan, parekoy, ang paniwala ng napakaraming mamamayan na nagpaabot sa atin ng kanilang pagkadismaya sa nabanggit na alkalde.
Ayon sa kanila, noon ay hindi sila naniniwala sa ugong na nakipagsabwatan si Mayor Sabili sa mga gambling lord upang largahan ang operasyon ng mga ito sa Lipa City.
Umasa umano sila na hindi kayang i-barter ni Mayor ang kanilang tiwala o boto dahil lamang sa kinang ng salapi.
Pero nang maging lantaran ang o-perasyon ng iligal na sugal sa kanilang lugar, lalo na nang magmistula tengang-kawali lamang si Mayor Sabili sa kanilang mga reklamo laban sa nasabing talamak na iligal na sugal, dito na umano nila napagtanto na swak nga ang kanilang mayor sa nasabing iligal na gawain!
Sa totoo lang, parekoy, patuloy pa rin akong umaasa na hindi magagawa ni Mayor Meynardo Sabili na mag-ala-Hudas sa kanyang mamamayan. Posibleng binubulag lamang ito o nabubulagan lamang! He, he, he.
Kaya nga ang pakiusap natin kay Mayor Sabili, ay personal niyang iparatsada ang nasabing talamak na iligal na sugal sa Lipa City. Upang malinis ang kanyang pangalan. At maalis ang duda ng mga taga-Lipa na patong siya sa iligal na sugal!
Maliban lang kung may katotohanan ang nasabing hinala. At may plano si mayor na daanin na lang ang lahat sa pakapalan ng mukha!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303