ANG ASAWA KO po ay halos dalawang taon nang nagtatrabaho sa Middle East. Ka-makaila’y nasabit siya sa isang kaso doon na naging dahilan ng kanyang pagkabilanggo hanggang ngayon. Ayon sa kanya, siya ay inosente sa mga ibinibintang sa kanya. Sa pamamagitan ng text, nasabi niya sa akin na hanggang ngayon ay wala pang taga-gobyerno natin ang dumadalaw sa kanya para bigyan siya ng tulong. Kaya ako ang kanyang nautusan na rito na lang sa Maynila humingi ng tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan. Una ko pong nilapitan ang POEA. Pagka-fill up ko ng mga forms doon ay pinabalik-balik ako nang wala namang nangyari. Ganu’n din ang nangyari nang pumasyal ako sa OWWA. Napudpod lang ang sapatos ko kapapa-follow up sa kaso. Kaming mga pamilya ng OFW ang nahihirapan. ‘Di po ba puwedeng isang ahensiya na lang ng gobyerno ang aming lapitan para sa ganitong mga kaso para naman mapabilis at mabisa ang tulong sa amin ng pamahalaan? Alin po ba sa mga ahensiyang ito ang tutuhog sa lahat ng tanggapan para isa na lang ang kausap namin? — Lina Gay ng Bacolor, Pampanga
BATAY SA DETALYENG ibinigay mo tungkol sa kaso ng asawa mo, makabubuting tumbukin mo na lang ang Department of Foreign Affairs (DFA). Sa DFA, pumunta ka sa Legal Assistant for Migrant Workers Affairs. Ito ang pangunahing tanggapan ng gobyerno na sumasaklolo sa mga kababayan nating OFW na “in distress” at may mga problemang legal.
Ayon sa batas, narito ang tungkulin ng nasabing tanggapan: 1) Maglabas ng mga tuntunin para sa pagbibigay ng tulong legal sa mga Filipino migrant worker; 2) Ayusin ang koordinasyon sa pagitan ng DOLE, POEA, OWWA at iba pang mga ahensiya ng gobyerno at iba pang mga non-government organizations na tumutulong sa mga OFW. Pangunahing layunin ang mabigyan ng tulong legal ang migrant worker; 3) Makipag-ugnayan sa Integrated Bar of the Philippines para makatulong ang mga mahuhusay na abogado sa pag-assist sa mga OFW; 4) Pamahalaan ang Legal Assistance Fund for Migrant Workers at gugulin ito ayon sa mga naitadhanang guidelines ng batas para rito; 5) At iba pang tungkulin.
Ang payo kong ito ay batay sa kasong legal na ikinokonsulta mo. Siyempre pa, maaaring iba ang problema ng ibang OFW kaya’t maiiba rin ang dapat nilang lapitang ahensiya ng pamahalaan.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo