Regine Velasquez at Ogie Alcasid, abala sa malaking fund-raising concert – Gorgy’s Park

NAGKATIPUN-TIPON ANG MGA kilalang singer sa ating bansa kamakalawa ng gabi sa tahanan ni JayR para i-record ang awiting “Kaya Natin Ito”

na ginawa ni Ogie Alcasid.

Ito’y may kaugnayan sa malaking project na binubuo ngayon nina Ogie at Regine Velasquez para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng.

Mala-”We Are the World” ang drama nila kung saan magkakasama silang lahat na i-record ang awiting ito para awitin sa gagawin nilang malaking concert sa December 5 at gaganapin sa SM MOA Concert Grounds.

Ang original schedule nila ay November 14, pero inilipat nila ng December 5 dahil mukhang gagahulin sila sa oras.

Si Ogie ang namumuno nito sa tulong nina Regine na tumatayong voice coach sa mga artistang nag-record, si Girlie Rodis at Rowell Santiago na siyang magdidirek ng concert.

[ad#post-ad-box]

Nang makausap namin si Ogie nu’ng nag-recording sila, sobrang na-stress na raw siya dahil hindi nga naman ganu’n kadali ang binubuo nilang project pero ang nakatutuwa lang daw hindi sila nahirapan sa mga kasamahan nilang singers na kausapin na sumali sa malaking project na ito.

Lahat ay nagbigay ng oras at walang talent fee na pinag-usapan dito. Lahat daw libre pati ang venue na ibinigay sa kanila ng SM at mga supplier ay walang nagbigay ng presyo para sa isang magandang adhikain na makatutulong sa mga nabiktima ng dalawang bagyong magkasunod na sumalanta sa ating bansa.

Ang kikitain ng malaking concert na ito ay idadaan daw nila sa Red Cross at Bahay Kalinga dahil naniniwala silang lahat na hindi ganu’n kadali na maka-recover tayo sa nagdaang bagyo kundi matagal pa ito kaya dapat tuluy-tuloy ang pagbibigay ng tulong.

Ilang araw na recording ang gagawin nila dahil hindi naman magkakatugma sa schedule ang lahat na mga artist.

Kung magsama-sama man sila, hindi sila magkakasya sa studio sa tahanan ni JayR.

Hanggang Sabado sila magri-recording depende sa mga darating na mga singer.

Ilan sa mga namataan kong unang nag-record ay sina Christian Bautista, Jolina Magdangal, Erik Santos, Rico Blanco, Karylle, Geneva Cruz, Rachel Alejandro, Chris Cayser, Kyla at mukhang marami pang ibang magdaratingan.

Sina Lea Salonga, Gary Valenciano, Martin Nievera, Kuh Ledesma at Apo Hiking Society ay sasali rin daw sa recording kaya lang nasa ibang bansa sila kaya magri-record na lang daw sila roon at ipadadala rito at doon na pagsama-samahin.

Si Regine ang vocal coach nila at si JayR ang technician na aligaga na maging smooth ang kanilang recording.

Nagpapasalamat si Ogie sa technology dahil kahit saan sila ay puwedeng mag-record at magagawang pagsama-samahin silang lahat na mabuo ang napaka-inspiring na awiting ito na kahit papaano’y makapagbibigay ng pag-asa sa lahat lalo na sa mga naapektuhan ng dumaang trahedya sa ating bansa.

Sa December 5 ay malaking event ito na aabangan ng lahat dahil alas-tres pa lang daw ng hapon ay magsisimula na ang palabas na kung saan involved ang lahat na mga singer sa ating bansa.

Abangan n’yo ‘yan!

By Gorgy’s Park

Previous articleSipat-eklat #162: Sexy comedienne, sumegwey ng ‘private booking’ sa out of town show!
Next articleRichard Gomez, ‘di na dapat magkontrabida – Chit Ramos

No posts to display