BAKIT KAYA nag-i-emote si Regine Velasquez sa Twitter account?
Siyempre, hindi ko naman nababasa ‘yan dahil wala naman akong Twitter account at malay ko ba sa ganun.
Naririnig ko lang na napapag-usapan nila at heto na nga kinopya ko ang ilang tweets ni Regine, nu’ng nakaraang Biyernes ng gabi raw ‘yun.
Sabi niya, “Uso pa ba ang loyalty? Pa’no kung hindi naman loyal sa ‘yo at isang empleyado lang ang turing sa ‘yo?
“Well, I have to say that I’m still a loyal person…”
Sabi pa niya; “Siguro mali ang tanong ko sa industriyang ito uso pa ba ang loyalty? Well, maybe I should not feel so bad…”
May kinalaman kaya ‘yan sa nalalapit na paglipat ni Ogie Alcasid sa TV 5? Ang susunod kaya, susunod na siya sa asawa niya, dahil malapit nang matapos ang kontrata niya sa GMA-7?
Dinig ko pa, matsutsugi na rin daw ang Party Pilipinas. Isa kaya ‘yun sa mga dahilan nang pag-
i-emote niya?
Naku! Tingnan na lang natin kung ano ang susunod na magaganap, dahil tiyak na may bagong announcement diyan ang GMA-7.
HINDI NAGSALITA si LJ Reyes tungkol sa napabalitang hiwalayan nila ni Paulo Avelino. Pero kung napanood n’yo ang Startalk, parang kinumpirma na namin, ha! Alam ko, ayaw lang ni LJ na pag-usapan ‘yun at mas gusto nila na tahimik na lang para hindi na magulo.
Nang sinadya ng Startalk si LJ para interbyuhin, tumanggi ito. Safe ang mga sagot, at nang diretsahang tinanong kung totoong hiwalay na sila, “Basta masaya kami,” sagot nito.
Ayaw niya talagang aminin pero ang daming nagsabi sa aming talagang hiwalay na.
Basta may nagsabi sa amin na talagang hiwalay na raw, dahil away lang daw sila nang away.
May mga insecurities na raw si LJ at si Paulo naman ay ang laki na raw nang ipinagbago.
Tingin ko naman diyan, bakit mai-insecure pa si LJ eh, ang ganda naman ng career niya.
Ang dami naman niyang trabaho, kahit sabihin pang mas sikat sa kanya si Paulo.
Hindi naman kasi dapat isama sa relasyon ang trabaho, dahil hindi talaga magwu-work ‘yan.
‘Yung malaking pagbabago ni Paulo, puwedeng maniwala ako dahil ang dami ko naman talagang naririnig na nagbago na ito.
Ganu’n talaga, eh! Hindi mo maiwasan ang ganu’n kapag umakyat na sa ulo ang tagumpay, puwede talagang magbago.
Ang importante may baby Aki na si LJ, at siguro hindi naman pababayaan ‘yan ni Paulo.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis