NAKAHABOL PA ako sa presscon ni Regine Velasquez para sa concert nila ni Martin Nievera na Voices of Love sa February 14 na gaganapin sa SM-MOA Arena.
Tuwang-tuwa nga ako dahil magpapa-raffle pala si Regine ng Ipad Mini at ako pa ang nanalo.
Baklang-bakla pa ring makipagtsikahan si Regine pero medyo malungkot na siya nu’ng mga oras na ‘yun dahil isinugod pala nila sa hospital ang ama niyang si Mang Gerry.
Habang ini-interview ito ng mga TV crew, balisa na si Regine dahil tumatawag na pala ang kapatid niyang si Cacai para sabihin ang masamang balita. Hindi pa rin nagpahalata si Regine, umalis ito agad dahil kailangan daw niyang bumalik ng hospital.
Nasa Sir Boy’s Food Republic pa nga kami na kung saan ginanap ang mini-presscon ni Regine nang kinumpirma ni Cacai kay Jun Lalin na namatay na nga raw si Mang Gerry.
Pagkalipas ng ilang oras, nag-post si Regine sa kanyang Instagram account ng “The leader of the band, Mang Gerry, joined his Creator 1:39pm today.
“Thank you for praying for him during all these time that he has been fighting for his life. God bless you all.”
Siyempre kinopya ko na lang ‘yun sa mga bakla! Hindi naman ako marunong magkalkal sa Instagram, ‘no!
Anyway, doon pa naman sa mini-presscon ni Regine nabanggit pa niyang gusto sana niyang makapanood pa ang tatay niya sa concert nila ni Martin sa February 14, pero hindi naman daw niya alam kung kakayanin pa nito. Hindi naman daw niya madala ang buong hospital, biro pa niya. Iyon pala, hindi na maabutan ni Mang Gerry ang concert niya.
Malamang emote si Regine sa concert niya dahil tuloy pa rin ito siyempre dahil sa Febuary 14 pa naman ito. Nalibing na niyan si Mang Gerry.
Hindi kaya lalong lalakas ang tikets ng concert nila dahil sa pagpanaw ni Mang Gerry. Pati nga ang concert ni Ogie Alcasid na Samahang Walang Ka-Valentine sa Music Museum ay malamang mas mabenta ang tikets nito.
Nakikiramay po kami kay Regine lalo na sa buong pamilyang iniwan ni Mang Gerry.
As of now, wala pang advice kung saan ang burol ni Mang Gerry. Hindi kaya sa Bulacan? Sana ibuburol din siya rito para madali naming mapuntahan.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis