Registered voter ka na ba?

ANG ELEKSYON ay sa darating na ika-9 ng Mayo sa susunod na taon, nakapagparehistro ka na ba? Ang dami na ring nagpahayag ng kanilang intensyon sa pagtakbo sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno, at iyan ay ang presidente at bise presidente. Sa pagkapangulo, nariyan sina Mar Roxas, Grace Poe, Jejomar Binay, at isama na rin natin sa listahan ang bulung-bulungan na baka rin siya ay tumakbo sa pagkapangulo, si Rodrigo Duterte. Sa pagkabise presidente naman, aba aba, kay rami mo nang pagpipilian! Sina Leni Robredo, Gringo Honasan, Chiz Escudero, Bong Bong Marcos, at Alan Peter Cayetano. At sa mga susunod na araw, iaanunsyo na rin ang mga senatorial slate ng mga kumakandidatong pangulo.

Kaya naman mga bagets, ang tanong ko, may say ka ba sa mga tatakbo? May nais ka bang iparating sa kanila? Nais mo bang may iapela? Nais mo bang magbigay ng suporta? Nais mo ba magbigay ng suhestiyon? Nais mo bang iparinig ang iyong opinyon? Kung oo, ang mahiwagang tanong, nagparehistro ka na ba? Kung hanggang puro sa Facebook at Twitter mo lang inilalathala ang iyong opinyon sa pulitika, aba, walang mangyayari niyan! Hanggang like at share lang ang makukuha niyan kaya dapat siguraduhin mong makahabol sa huling araw ng pagpaparehistro upang makaboto sa susunod na eleksyon, at iyon ay sa darating na katapusan na ng Oktubre.

Anu-ano nga ba ang hakbang sa pagpaparehistro?

Una, dapat pasok ka muna sa criteria! Kailangang ikaw ay Filipino citizen at nasa edad na ng 18 pataas. Kailangan ding ikaw ay residente ng Pilipinas nang kahit isang taon. At kung saan ka man boboto, kinakailangan ding residente ka sa bayan na iyon kahit anim na buwan lang bago ang araw ng eleksyon.

Pangalawa, bago pumunta sa inyong local Comelec office o sa mga satellite registration areas sa malls at barangays, kinakailangang may dala ka munang valid ID.

Anu-ano nga ba ang tinatanggap bilang valid ID? Employee ID, postal ID, PWD discount ID, student’s ID o library card, driver’s license, NBI clearance, passport, SSS/GSIS ID.

Pangatlo, sagutan ang tatlong kopya ng forms of apply to registration. P’wede ka ring magsagot ng application forms online sa Comelec’s iRehistro website, www.irehistro.com. Kinakailangan mo lang mag-print ng tatlong kopya at isumite sa inyong local Comelec office kung saan ka kukuhanan ng biometrics.

O, mga bagets, kay simple hindi ba? Kaya walang dahilan upang hindi makapagparehistro! Maging isang responsableng bagets, bumoto sa darating na eleksyon.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 8 Issue 123 October 09 – 11, 2015
Next articlePa’no malalamang tunay na abogado ang kausap?

No posts to display