ANO BA ang ibig sabihin ng Rehabilitation czar? Tila maraming natuwa sa posisyong ibinigay ni PNoy kay former Senator Panfilo Lacson bilang Rehabilitation czar ng mga nasalantang lugar ni bagyong Yolanda. May ilang nagduda at nagbigay ng negatibong komento rin para sa dating Senador. Pero ano nga ba ang tungkulin at gaga-wing trabaho ni Lacson?
Kung pagbabasehan ang naaprubahan na rehabilitation at reconstruction fund ng Senado na P12 billion, ito’y ipagagamit lamang sa mga “implementing agencies” ayon kay Senate Finance Committee Chairman Senator Francis Escudero. Ang ibig sabihin ay hindi si Lacson ang magpapatupad ng rehabilitation at reconstruction funds na ito.
Ngayon, kung hindi ang Rehab czar ang gagawa nito, ano ang gagawin niya? Nasa kapangyarihan ng Pangulo ang aabot sa P143.5 billion na pondo para ibangon ang mga lugar na sinalanta, hindi lamang ng bagyong Yolanda kundi pati na rin ng iba pang malalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.
Isasama rin ang pagbangon sa Zamboanga na nasira dulot ng digmaang naganap doon ngayong taon bago pa man tumama sa bansa ang bagyong Yolanda. Ang ilang mga pondong nagpuno nito ay mula sa Congressional pork na P14.5 billion.
Ang hindi malinaw dito ay si Lacson o ang opisina na bubuuin ng Rehab czar na hindi maituturing na implementing agency. Kaya ang mga ahensiyang pupuntahan ng pondong ito pa rin ang magpapatupad ng rehabilitation. Kung ganito ang siste, ano na nga ang gagawin ng isang Rehab czar?
SA AKING palagay, baka maging tagapangasiwa o “coordinator” si Lacson ng mga programang tututok sa rehabilitation at reconstruction sa Leyte at Samar. Ang tanong lang ay kung may kakayahan ba siya sa ganitong uri ng trabaho?
Hindi ba ang isang taong may malalim na karanasan sa rehabilitation at reconstruction ng mga lungsod o probinsyang dumaan sa ganitong uri ng kalamidad ang dapat ilagay sa puwestong ito? Mga dating Goberdanor o Mayor ng mga probinsya o lungsod siguro? Magmula kasi sa pagiging pinuno ng PNP ay dumiretso na sa pagiging Senador si Lacson.
Baka naman kaya si Lacson ang inilagay dito ay dahil kailangang ipakita ng administrasyong Aquino na mahigpit ang gagawing pagbabantay sa mga bilyong pondong nalikom at walang magiging bahid ng korapsyon ang gagawing rehabilitasyon. Dahil ba kilala si Lacson na hindi gumamit o kumuha ng pork barrel simula maging Senador ito?
Kung ganito pala ang motibo ng gobyerno ni PNoy, dapat sana “Security czar” ang itinawag sa kanyang puwesto at hindi “Rehabilitation czar”. Para kasing mas security guard ang totoong magiging trabaho ni Lacson dito. Ang tiwala at pagiging kampante ng mga tao ang pinagtutuunan ng pansin dito at hindi ang tunay na pag-rehabilitate ng mga sinalantang lugar.
Mukhang palpak na naman ang diskarteng ito ni PNoy. “Image” na naman ang inuuna niya at hindi ang tunay na trabahong dapat gampanan. Seryosong problema ang haharapin ng isang tunay na “Rehabilitation czar” dahil mga buhay ng tao ang nakasalalay rito. Dapat silang mabigyan ng makatotohanang pagbangon sa kanilang mga kabuhayan at hindi basta-bastang tulong ang kailangan.
Hindi ko minamaliit ang kakayahan ni Lacson ngunit hindi makikita sa kanyang track record ang kagalingang kailangan ng isang magpapatupad ng tunay na rehabilitation at reconstruction sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda.
Maaaring hindi siya kurakot at magaling sa ibang bagay, ngunit hindi ang pagiging “Rehabilitation czar” ang para sa kanya.
Shooting Range
Raffy Tulfo