AYAW NA lang daw palakihin o pag-usapan ng mabait at magaling na young actor na si Alden Richards ang balitang tinalakan siya ng mother ng kanyang ka-loveteam na si Louise Delos Reyes ilang lingo na ang nakalipas. Ayon sa magalang na binata, masyado lang daw protective kay Louise ang kanyang mommy.
Mas gusto raw pag-usapan ni Alden ang 15 weeks extension ng One True Love na pinagbibidahan nila ni Louise, kaya naman daw sa magandang feedbacks nito mula sa mga taong loyal na tumututok sa kanilang show at sa mataas na ratings nito, sobra-sobrang pasasalamat daw ang gustong ibalik ni Alden.
Hindi raw inaakala ni Alden na maabot niya ang kanyang mga pangarap na maging artista dahil na rin sa ilang beses din siyang na-reject sa mga audition na kanyang pinuntahan like PBB Teens na hanggang second stage of interview lang ang kanyang inabot, at sa Starstrucks na ‘di rin siya pumasok sa Final 14.
Thankful nga raw ito dahil kinuha siya ng GMA Artist Center at binigyan ng break na magbida sa Alakdana na siyang nagbukas ng pinto para maisakatuparan ang kanyang pangarap na maging artista, kung saan ngayon ay sikat na sikat na siya at isa sa dini-develop ng GMA-7 para maging next lead actor at important star.
Tsika pa ni Alden, kung hindi raw dahil sa Alakdana at kay Direk Mac Alejandre, na siyang pumili sa kanya para maging leading man ni Louise, hindi magkakatotoo ang kanyang dream. Sa ngayon daw ay very happy si Alden sa takbo ng kanyang career dahil alagang-alaga siya ng Kapuso Network.
NAGHAHATI RAW ang puso’t isipan ngayon ng magaling na host na si Chris Tiu between hosting at paglalaro ng Basketball, lalo na’t malapit na uling magbukas ang PBA. Pero between the two, 55% daw ang ratio na mas gusto ni Chris ang Basketball at 45% naman para sa kanyang hosting.
Ayon pa sa host ng 1 on 1 Tiu-Torials ng Sports 5 ng TV5, bukod sa Basketball at sa pagiging host ay nakatutok din siya sa pagpapaunlad ng kanyang negosyo, kaya naman daw hati ang kanyang puso’t isipan sa mga bagay na gusto niyang gawin.
Pero lahat naman daw ng kanyang pasukin ay binibigyan nito ng tamang atensiyon at 100% effort para magampanan nang maayos. Katulad na lang daw ng kanyang pagiging host ng 1 on 1 Tiu-Torials, ibinida ni Chris na lumilibot sila sa iba’t ibang lugar para magturo sa mga Pinoy na mahilig maglaro ng Basketball. Itinuturo raw nito ang mga tamang paraan ng paglalaro.
Gusto nga ni Chris na malibot ang buong Pilipinas mula Aparri hanggang Jolo para mai-share niya ang kanyang talento sa mga Pinoy Basketball lovers or maging sa mga Pilipino na nagnanais na matutong mag-Basketball. Mapapanood ang 1 on 1 Tiu-Torials sa AKTV sa IBC 13, the premier sports channel on free TV at sa HYPER, the 24/7 sports channel ng Sports 5.
AFTER OROS na isa sa pinipilahan among Cinemalaya 2012 film entries, kung saan lumutang ang galing sa pag-arte ni Kristoffer Martin, isa pang indie film ang nakatakda nitong gawin na may temang suspense-horror, ito ay ang Basement, kung saan makakasama niya ang ilang Kapuso stars na sina Chynna Ortaleza, Mona Louise Rey, Kevin Santos, Enzo Pineda , Teejay Marquez, atbp. Ito raw ang pangatlong pelikula ni Kristoffer na unang napanood sa Tween Academy ng GMA-7.
Tsika nga ni Kristoffer, very thankful siya kay Mr. Joey Abacan ng GMA Films dahil ito ang nagrekomenda sa kanya para mapasama sa Oros, Tween Academy at Basement.
Bukod sa Oros at Basement, regular ding napapanood si Kristoffer sa top-rating primetime soap ng GMA-7, ang Luna Blanca, kung saan marami ang nagsasabing bagay na bagay raw si Kristoffer at Barbie na kitang-kita raw ang chemistry at husay sa pagganap.
WAGING-WAGI ANG mga GMA Artist Center prime artists na sina Alden Richards, Bela Padilla, Sarah Lahbati at Kris Bernal over ABS-CBN prime artist sa poll na isinagawa ng Mega magazine ngayong July.
Matatandaang naglabas ng dalawang magkaibang issue kung saan naging pabalat ng Mega Magazine ang mga stars ng 2 TV networks at nagkaroon ng botohan kung sino sa dalawang covers ang naibigan ng mga Pinoy at nagwagi nga ang pabalat ng Mega magazine na Kapuso Stars ang naroroon.
Mahigit na 30,000 nga raw ang nahamig na boto ng Kapuso over Kapamilya stars. Kaya naman masayang-masaya ang 4 sa naging resulta ng botohan, kung saan sila ang nag-wagi.
John’s Point
by John Fontanilla