Reklamo sa Titser na Namamalo

Dear Atty. Acosta,

MAYROON AKONG isang anak na nasa elementarya pa lamang. Isinumbong niya sa akin na pinalo siya ng kanyang guro nang makita silang nagkukulitan ng kanyang mga kaklase sa kanilang silid-aralan. Maaari po ba namin siyang ireklamo?

Umaasa ng inyong tugon,

Alma

 

Dear Alma,

LIKAS SA mga bata, lalo na ang mga nasa murang edad pa lamang, na maging malikot at mapaglaro, kung kaya’t kai-langan na mahaba ang pasensiya ng mga nakatatanda katulad ng kanilang mga magulang at kapatid, pati ng kanilang mga guro na siyang itinuturing nating

mga pangalawang magulang ng ating mga anak.

Sa inyong sitwasyon, maaari kayong magsampa ng reklamo laban sa guro na nanakit sa inyong anak sapagkat ito ay ipinagbabawal sa Code of Ethics ng mga guro. Ayon sa Section 8, Article VIII ng Code of Ethics of Professional Teachers, “A teacher shall not inflict corporal punishment on offending learners x x x” Ang tungkulin ng bawat guro ay ang hubugin ang mga kabataan upang mapalawig nila ang kanilang kaalaman at upang sila ay maging epektibong miyembro ng ating komunidad. Ang mga guro ay hindi maaaring gumamit ng pananakit o daanin sa negatibong paraan ang pagdidisiplina ng kanilang mga tinuturuan. Ito ay magsisilbi lamang na maling halimbawa sa kanila ukol sa pagtutuwid ng pagkakamali at maaari nila itong maipasa sa kanilang mga kaibigan at maging sa kanilang mga magiging anak. Higit pa rito, kung mapatunayan na totoong lumabag ang guro ay maaari siyang patawan ng disciplinary actions katulad ng pagbawi sa kanyang Certificate of Registration and License as a Professional Teacher, masuspinde sa pagtuturo, o ma-reprimand sa kanyang maling gawain. (Section 1, Article XII, id)

Maliban sa nabanggit, maaari rin kayong magsampa ng reklamong kriminal laban sa nasabing guro sapagkat ang kanyang ginawa ay maituturing na isang uri ng pang-aabuso sa bata. Alinsunod sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, “Child Abuse refers to the maltreatment, whether habitual or not, of the child which includes any of the following: (1) Psychological or physical abuse, neglect, cruelty, sexual abuse and emotional maltreatment; x x x” (Section 3, id) Kung mapatunayan ang pagkakamali ng guro ay maaari siyang makulong sa parusang prision mayor, minimum period o six years and one day to eight years (Section 10, id). Kung siya ay guro ng pampublikong paaralan, maaari siyang maparusahan ng pagkakakulong sa maximum period na ten years and one day to twelve years. (Section 31 (e), id)

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAprub Ko si Tulfo
Next articleMar Roxas vs.“Lintas”

No posts to display