MAY SELF-TITLED debut album na ang Reo Brothers na kabilang sa mga survivor sa pananalanta ng super typhoon Yolanda sa Tacloban. Ini-launch ang kanilang album sa Cowboy Grill (Quezon Ave) kamakailan lang.
Naikuwento ng magkakapatid na Reno (drums), Ralph (bass), Raymart (rhythm guitar) at RJ (lead guitar) na nabuo ang kanilang grupo taong 2009 at pormal silang nakilala sa buong Pilipinas nang mag-perform sa ABS-CBN Christmas benefit concert noog 2013.
“Sobrang kabado po kami noon kasi puro malalaking artista ang kasama sa show. Pero naging maayos ang lahat at sobra kaming natuwa nang binigyan kami ng standing ovation ng audience na nasa Araneta Coliseum,” kuwento ng Reo Brothers na tinagurian ding Pinoy Beatles ng kanilang fans.
Nagsilbing inspirasyon sa marami ang kuwento ng pagbangon ng Reo Brothers sa Tacloban. Hinangaan din ang kanilang talento sa musika at ang bersyon nila ng 60’s at 70’s hit songs ng mga music icon tulad ng Beach Boys, Dave Clark 5, Gary Lewis & The Playboys, at ng Beatles.
Now that they already have an album, hindi maikubli ng magkakapatid ang excitement na nararamdaman.
“Kung sa live shows ay international bands ang madalas naming kinakanta, dito sa album, magbibigay-pugay naman kami sa OPM legends tulad ng VST & Company, Hotdog, at Juan dela Cruz band. Ire-revive namin ang Manila Sound para ma-appreciate ng kabataang gaya namin,” pahayag pa nila.
Apat na revival songs at dalawang original na nilikha ni Vehnee Saturno ang nasa album. May bersion ang Reo Brothers ng “Awitin Mo Isasayaw Ko”, “Manila”, “Titser’s Enemy Number One”, at “Pinoy Ako”. The two original songs are “O Bakit?” at ang carrier single na “Ako’y Tinamaan”.
La Boka
by Leo Bukas