IRITADO NA ang mga dating kaalyado sa pulitika ni Masbate 2nd District Rep. Tony Kho dahil sa pagiging gahaman nito sa poder at kawalan ng utang na loob.
Kaya naman karamihan sa kanila ay desididong layasan na ang nasabing pulitiko.
Sa totoo lang, parekoy, maraming “kaibigan dati” ni Kho ang kanyang “ginoyo” sa pulitika dahilan kaya nanlamig na ang mga ito sa kanya.
Halimbawa, sa simula ay “tsinutsubibo” niya ang mga ito para tumakbong mayor sa isang munisipyo, hanggang sa tuluyan nang mapasubo.
Ang masakit, ilang araw bago mag-election ay biglang “aaregluhin nang pailalim” ni Kho ang kalaban ng kanyang mga kaibigan at bibigyan din ng pinansiyal na ayuda.
In-short, palihim na “namamangka sa dalawang ilog” si Tony Kho, para matiyak na ang magkabilang panig ay makapagbibigay ng boto sa kanya at sa kanyang asawa na si dating Masbate Gov. Elisa “Olga” Kho.
Pero ngayon ay bistado na sa Masbate na ang pinahahalagahan lamang ni Kho ay ang political survival nilang mag-asawa.
Wala siyang pakialam, parekoy, sa damdamin, kung matalo man ang mga dati niyang kaibigan na sumuporta sa kanya mula noong siya ay nakakulong pa kaugnay sa Tito Espinosa murder.
Ito ang mas matindi, noong nakaraang election, nakalaban ni Kho sa pagka-kongresista sa 2nd Dist. ng Masbate si Ret. PNP General Darius Tuason na panganay na kapatid ni Masbate City Mayor Socrates Tuason.
Sa simula pa lang ng kampanya ay palagi nang duda si Kho na tatraydurin siya ni Mayor Tuason sa “huling oras” dahil nga kapatid nito ang kanyang kalaban.
Pagkatapos ng election, talo si Tony Kho sa kabuuan ng 6 na munisipyo ng ikalawang distrito at ang pag-asa na lamang niya ay ang magiging resulta sa Masbate City.
Matindi, parekoy, ang iniwang hapdi sa pamilyang Tuason sa naging resulta sa Masbate City dahil trinabaho nang husto ni Mayor Tuason kaya nabigyan ng “land-slide victory” si Tony!
‘Yan ang dahilan kung bakit nanatili sa pulitika si Tony Kho gayong natalo ang kanyang maybahay na si dating Gov. Olga Kho.
Sa totoo lang, namangha ang taumbayan maging si Kho sa ipinakitang katapatan ni Mayor Ates Tuason pagdating sa kanyang mga kaalyado sa pulitika.
Isang bagay na wala sa bokabularyo ni Tony Kho!
Ang masakit, parekoy, pagkatapos ng election ay “inurat” na naman ni Kho si Mayor Tuason na pumorma sa pagka-Gobernador laban kay incumbent Gov. Rizalina Lanete.
Pero matapos makapag-organisa sa buong lalawigan at gumastos ng malaking halaga, umiral muli ang kasakiman ni Kho at pinatitigil si Tuason dahil siya (Kho) raw pala ang kakandidatong gobernador!
Tsk, tsk, tsk, sakim sa poder, ahh!
Sa sobrang bait, pinagbigyan si Kho kaya sa 2nd Dist. na lang pumorma si Tuason dahil tapos na ang tatlong termino nito sa pagka-city mayor.
Asus, bigla na namang nagpatutsada si Kho na magpapa-reelect na lang siya sa 2nd Dist. dahil ang asawang si Olga muli ang kanyang patatakbuhing gobernador!
Dito na, parekoy, nabulatlat nang husto sa mga taga-Masbate kung gaano ka-ganid sa p’westo si Kho, kaya marami sa kanyang kaalyado ang tuluyan nang lumisan sa kanyang bakuran dahil sa simpatiya kay Mayor Tuason.
Ayon sa kanila, ganid na sa poder ay hindi pa marunong tumanaw si Kho ng “utang na loob”.
Mali po kayo, hindi ganid ang tawag d’yan… sakim! Hak, hak, hak! P’we!!!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303