SA MURANG edad na 49, pumanaw kamakailan ang American pop music great Whitney Houston. Hanggang ngayon, lumuluha at nagluluksa pa ang musical world. Sa munting sulok ng mundo ko, tumatangis din ako.
Napakaikling panahon ang itinakda sa kanya ng orasan ng buhay. Subalit ang bawat segundo, minuto at oras ng orasan ay pinuno at siniksik ng mapag-ibig at makabuluhang buhay. Sa loob halos ng 3 dekada, milyun-milyong nilalang ang napaligaya ng kanyang musika. Kaibang tinig at musika na animo’y hinugot sa salumbayang tinig ng mga anghel. Wika ng isang American music critic:“Her voice is God’s gift to the world.”
Tatlong gabi bago pumanaw si Whitney, umawit siya sa isang mumurahing music bar sa Beverly Hills, California. Nagulat ang mga guests sa biglang appearance niya sa stage para umawit ng kanyang paboritong “I Know Jesus Loves Me”. Habang umaawit, ‘di mahulugan ng karayom ang katahimikan. Lahat ay pigil ang hininga sa paghanga. ‘Yon pala ang huling pag-awit ni Whitney. Awit na may pananampalatayang pamamaalam.
Pumailanlang sa dulo ng katanyagan si Whitney nu’ng dekada ‘80. Nakipagsiksikan ako para sa ticket ng “The Bodyguard” sa ‘sang sinehan sa Makati. ‘Di pa masyadong laganap ang fake DVDs nu’n. Sa pelikula niya ang all-time great “I Will Always Love You”. Nakakatunaw ng puso at kaluluwa.
Ipinanganak si Whitney sa ‘sang mahirap na church pastor sa Newark, New Jersey. Bata pa siya, umaawit sa church choir. Kaya halos lahat ng kanyang unang reportoire ay gospel songs.
Kagaya ng lahat na nilalang, si Whitney ay may kanyang mundo ng luha at halakhak. Troubled marriage na nagtulak sa kanya sa drug addiction. Katanyagan at salapi, ‘di nagdulot sa kanya ng hinahanap na kaligayahan at katahimikan. Ang yumaong U.S. pop great Michael Jackson at British jazz legend Amy Winehouse ay ganyan din ang naging kapalaran.
Paalam Whitney. JESUS LOVES YOU.
SAMUT-SAMOT
NU’NG KASAGSAGAN ng impeachment trial kay CJ Renato Corona, ‘sang mainit na isyu ang identity ng “small lady” na diumano nag-abot ng bank documents from PS Bank na naglalaman ng bank accounts ng nasasakdal. Pinanindigan ni Rep. Rey Umali na ibinigay ang docu sa kanya ng ‘di kilalang babae sa loob ng Senado. Subalit ang CCTV ay nagresulta ng kabaligtaran. Ilang araw ring tinalakay sa impeachment court at media ang isyu hanggang sa matabunan. Kamakailan, may nag-text sa akin: “Ang mystery small lady ay nakakulong sa ‘sang ospital. Baka nabigyan siya ng passes kaya nakapunta sa Senado.”
DALAWANG DAMBUHALANG buwaya ang nahuli sa Palawan kamakailan. Nakaraang taon, ang buwayang tinawag na Lolong ay nahuli naman sa Surigao. Naglalabasan sa kati ang mga buwaya at iba pang wildlife creatures dahil sa ang kanilang habitat ay nabubulabog ng tao kagaya ng mining at rampant kaingin. Napipilitan silang maghanap ng pagkain sa labas at kalimita’y nabibiktima ng tao. May isang salbaheng nagtanong. Sino’ng mabuting alagaan? Pulitiko o buwaya. Sagot: buwaya. ‘Pag busog, tumitigil na. Pulitiko walang kabusugan.
SANG-AYON KAMI sa pagbili ng Comelec ng Smartmatic PCOS machine para gamitin sa 2013 local eleksyon. Ang mga makina ay ni-lease ng pamahalaan sa Smartmatic nu’ng 2010. Sabi ni Comelec Chair Sixto Brillantes, mas makatitipid daw ang ahensiya. Approved.
MAKAKABUTI NA sampahan na ng Ombudsman ang dating opisyal ng PCGG ng graft dahil sa pagka-lease ng P12-M worth of machines without public bidding in 2007 and 2009. Kakasuhan ang dating PCGG Chief Camilo Sabio at Commissioners Ricardo Abcede, Teresa Javier, Marcias Nario at Nicasio Conti. In its resolution, the Ombudsman said: “Deviating from competitive public bidding and resorting to alternative modes of procuring is only allowed in extra-ordinary situations. In this case, there were no extra-ordinary circumstances to allow the lease.”
SULIRANIN SA prostate gland, ‘di dapat baliwalain. Symptoms nito ay mahinang pag-ihi ngunit malimit at patak-patak lalo na sa gabi. Karaniwang biktima ay males with ages 50-up. Unless necessary, surgical intervention should be the last option. Conservative remedies ay pag-inom ng maraming basong tubig (14 glasses daily), ‘di pagpipigil ng ihi at ‘di pagkain ng maalat at matataba. Pinaka-latest medication ay Avodart. Iniinom ko ito once a day at pakiwari ko very effective.
HANEP ANG tambalan ni John Lloyd Cruz at Angel Locsin sa “UnOfficially Yours” na tumabo sa takilya. Sa tingin ko, ito pa ring dalawa ang perfect love team. Effortless ang acting at totoo. Kaiba ang ganda at halina ni Angel. May animal pero maamong dating si John Lloyd. Happily enough, ang uri ng pelikulang Tagalog ay tumataas na. Este, si Anne Curtis ay paborito ko rin. Her acting in “No Other Woman” is really terrific.
KAHAPONG 6:00 a.m., I tuned in sa DZMM Teleradyo with Noli “Kabayan” de Castro as host. Nu’ng sunud-sunod na commercials, I switched to GMA News TV na ang host ay si Mike Enriquez. Bigla kong naisip na todo-todo na talaga ang competition ng dalawang dambuhalang network. Sino ba talaga ang ahead sa survey rating sa dalawa? Problema, pareho silang nagsasabing sila ang number 1. Nalilito ang tao. Mababasehan natin ‘to sa padamihan ng commercials. Ang TV5 ay ‘di na malayo. Subalit maghihintay pa ng mahabang panahon.
ANG GULONG ng buhay nga naman! Top GMA broadcaster Arnold Clavio ay matalik kong kaibigan way back in late 1980’s. Stringer pa lang siya sa radio DZBB covering the Senate at Vice-President Doy Laurel. Palagi kaming magkasalo sa baon kong pagkain at talagang nu’ng panahong ‘yun ay tag-gutom. Masipag at talagang talented si Arnold kaya binasbasan siya ng kapalaran.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez