NAPATAY MAN si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan, nananatiling buhay ang banta ng terorismo sa bansa dahil ayon sa mga impormasyong lumalabas ngayon sa pag-iimbestiga ng Senado, mayroong humigit-kumulang na 100 estudyante si Marwan na tinuruan niyang gumawa ng mga pampasabog. Ang posibilidad na gaganti at reresbak ang mga kampon ni Marwan ay mahigpit na binabantayan ngayon ng mga militar at kapulisan sa buong kapuluan ng bansa.
Partikular dito sa Metro Manila, pinangangambahan na baka maghasik ng lagim ang mga estudyante ni Marwan. Napakadali yata na taniman ng bomba ang mga mataong lugar gaya ng shopping malls, simbahan, train station at paaralan. Kapag nagkataon ay magiging malagim ang pangyayaring ito at guguhit ng isang napakapait na alaala sa ating kasaysayan.
Paano nga ba natin mapipigilan ito? Ano bang mga hakbang ang dapat gawin ng gobyerno para pigilan ang posibleng pagresbak ng mga tauhan ni Marwan? May kakayahan nga ba ang ating pamahalaan para pigilan ang resbak? Gaano kaya kalagim ang resbak na ito? Ano ang magiging epekto nito sa atin bilang bansa kung magaganap ang ganitong resbak?
NAPAKAHIRAP TALAGANG sugpuin ang ugat ng isang rebolusyonaryong pakikibaka. Ang problemang pangkapayapaan halimbawa, sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at mga armadong grupo ng mga Muslim na naghahanap ng kalayaan, ay mauugnay pa sa mga sinaunang pakikipagsagupaan ng mga ninuno nating mga Raja at Datu laban sa mga mananakop na Kastila. Tila hindi matatapos ang digmaang ito hangga’t hindi naipagkakaloob ang kalayaan at independensiya na kanilang sinusumamo.
Ang pakikipaglaban man ng mga makapangyarihang bansa, gaya ng America, sa terorismo ay tila mahirap tuldukan. Ayon sa isang pag-aaral sa Harvard, ang terorismo ay gumagalaw at nabubuhay gaya ng isang binhi o “cell”. Mabilis itong dumami at ang bawat isang binhi ay may potensyal na katangiang maging isang nilalang upang maging kinatawan ng paghahasik ng lagim sa mundo. Nangangahulugan ito na ang pagkakapatay sa isang lider ng terorismo ay walang masyadong halaga sa pananatiling buhay ng kanilang organisasyon dahil ang bawat miyembro ay may kakayahang magparami ng kanyang sarili gaya ng isang binhi o “cell”.
Ang isang implikasyon ng pagkakapatay kay Marwan ay hindi lamang nalilimitahan sa pagganti ng mga estudyante ni Marwan, kundi paglago rin ng organisasyon nila dahil ang bawat isa sa kanila ay isang binhing handang maging isang lider. Ganito ang karakter ng kalikasan ng isang binhi o “cell”, habang may namamatay ay mas maraming nabubuhay at pumapalit dito. Tiyak na darami pa ang gaya ni Marwan at magtuturo rin ng mga nalalaman nito sa paggawa ng mga bomba. Mula sa isang daang mag-aaral ay dodoble ito ayon sa kapangyarihan ng isang eksponente (exponential power) at magiging 10,000 mag-aaral. Darami ito hanggang tila wala nang katapusan.
MAKIKITA NATIN na ang pagpatay sa kalaban ay hindi kailanman solusyon sa problema ng armadong pakikibaka ng mga kapatid nating Muslim. Ang all-out-war na inilunsad ni dating Pangulong Joseph Estrada laban sa MNLF at MILF ay hindi naman nagtagumpay sa pakay nitong kapayapaan at pagsugpo sa mga rebeldeng Muslim. Nagresulta lamang ito sa recruitment ng mas maraming rebeldeng Muslim at pagkakabuo ng isa pang bagong grupo na BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighter.
Isipin natin na ang mga anak at asawang naiwan ng bawat isang napatay na rebeldeng Muslim ay hahawak din ng armas at maghihiganti sa kamatayan ng kanilang mga ama at asawa. Ipagpapatuloy nila ang kanilang ipinaglalaban na kalayaan at hustisya. At gaya ng mga panahong lumipas na hindi masulyapan ang liwanag sa kapayapaan sa Mindanao, magpapatuloy ang kadiliman dito habang nananatili ang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng Muslim.
Ang pinakamapayapang paraan ng pagtatapos ng digmaang ito ay ang pagbababa ng mga armas at pag-uusap ng mga lider ng dalawang kampo. Sa pagpapalitan ng mga idelohiya at pagnanais makakamit ang kapayapaan at hindi sa pagpapalitan ng bala. Kung uusisain pa natin ang trahedya sa Mamasapano, makikita natin ang pagkakapatay kay Marwan ang nagpasiklab ng masalimuot na usapan sa BBL ngayon. Kung bakit tila magiging mahirap na muling maisabatas ang BBL ay tila naging bahagi na rin ng resbak ni Marwan.
KUNG PAGDIDIKIT-DIKITIN ang mga punto na tinalakay natin ay makikitang hindi lamang sa banta ng pagpapasabog mauuwi ang resbak ni Marwan. Ang pagkaantala ng BBL o hindi na tuluyang pagsasabatas nito ang isa pang mas mabigat na resbak ni Marwan. Lumalabas na bukod sa buhay ng 44 na PNP-SAF ang naging kapalit ng pagkamatay ni Marwan, tila ang pagkasayang sa binuong BBL sa mahabang panahon ay mapapabilang na rin na pambayad sa kanyang kamatayan.
Hindi ba mas magiging talo ang ating bayan kung maibabasura lang ang BBL sa huli. Ang resbak ni Marwan ay masyadong magiging mabigat sa ating lahat at pare-pareho tayong talo rito. Mas marami pang buhay ang masasayang kung hindi matatapos ang digmaan sa Mindanao sa pamamagitan ng isang peace process. Mananatiling matagumpay ang terorismo sa oras na magpatuloy ang digmaan at tuluyan nang kalimutan ang BBL bilang daan para sa isang tunay na kapayapaan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo