NAGBABALIK-TAMBALAN sina Ai-Ai Delas Alas at Direk Wenn Deramas sa pinakabagong fantaserye na Wako Wako ng Kapamilya Network. Kababalik lang ng Concert Queen mula sa Holy Land, binisita niya ang Jerusalem. Taimtim na nanalangin, humingi ng tawad at nagpasalamat sa Panginoon para sa mga blessing na dumarating sa kanyang buhay pati na rin ang suportang ibinibigay ng ABS-CBN.
Ayon kay Ai-Ai, naiiba raw itong fantaserye compared sa mga nagawa na niya in the past. “Kuwento ng pitong taong gulang na si Muymuy (Yogo Singh) na lubos na ipinagmamalaki ang amang pulis na si Rodel Gaudencio (Vandolph). Naiiba naman akong gumawa ng fantaserye sa isang soap at saka, excited ako dahil pambata, pang-summer, ‘ika nga. Si Yogo Singh, cute na cute. Siya ‘yung batang Coco Martin,” pahayag niya.
Nabalita na nagkaroon daw ng tampuhan sina Ai-Ai at Wenn dahil hindi ito ang naging director niya sa nakaraang MMFF with Vic Sotto. “Masaya ako kasama ko uli ang kakambal ko na si Direk Wenn. Sabi ko nga, ‘yung pagsasama namin ni Wenn, hindi showbiz ‘yun. Masyadong malalim ‘yun para sa isang fimfest,” say ng comedienne.
“Habang nagaganap ang filmfest, hindi alam ng mga tao nagte-text kaming dalawa. At saka, hindi ako magagalit kay Ai-Ai hanggang ang Nanay ko, nakalibing sa lupang binili ni Ms. Ai-Ai Delas Alas. Hindi ko makukuhang magtampo sa kanya,” mabilis na sambit ni Direk Wenn.
Inamin ni Ai-Ai na may panibagong lalaki na naman sa kanyang buhay. Ayaw lang nitong magbigay ng detalye tungkol sa bago niyang pag-ibig. “Siyempre, bigyan naman natin ‘yung tao ng privacy. Unti-untiin natin siya kasi, huwag nating biglain sa showbusiness. Basta guwapo siya, okay ‘yan. Nirerespeto niya ako at nirerespeto ko siya.”
Pakuwelang sinabi ng Concert Queen na ‘yung ibang lalaking na-link sa kanya, binabastos siya sa ibang pamamaraan (sex). “Depende sa lalaki, ‘yung iba, bastusan kami. Siyempre, gusto ko ‘yung nirerespeto saka later on na lang ‘yung bastusan. Sa umpisa respeto, patagal nang patagal…”
Pagdating sa pag-ibig, gusto ni Ai-Ai may respeto sila sa isa’t isa para tumagal ang kanilang relasyon. “Pagkatapos ng respeto puwede nang bastusan bandang huli so, dadaanin sa pag-ibig.”
Wish ni Ai-Ai, kahit financially stable na may kulang pa rin, may mga bagay pa rin siyang hinihingi sa Panginoon na sana’y magkaroon ng katuparan. “Health is wealth. Sana kapag namatay ako pupunta ako sa heaven. Sana rin magtagal ang relasyon ko kagaya ngayon, ‘yun,” malumay na wika niya.
Nakausap din namin si Glady’s Reyes, nasa cast din siya sa nasabing fantaserye. “Nakakapagod ang maging kontrabida pero challenging ‘yun sa isang artista tulad ko. Kailangang maging effective sa viewers ang role na ginagampan mo sa isang teleserye o pelikula. Proud ako, mapapanood ko sa mga anak ko na hindi ako nananakit sa Wako Wako. Isa akong mapagmahal na Ina, pero kapag kinanti o sinaktan ang anak ko, lumalabas ang pagiging palaban. Sobrang thankful ako kay Direk Wenn dahil sa markadong papel sa Habang May Buhay,” say ng magaling na kontrabida.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield