ISANG TEXT message mula sa hindi kilalang sender ang
aking natanggap kahapon. Ayon sa texter, ang dapat daw na maging kahulugan ng acronym na RIPS ng Department of Finance (DoF) ay “Rest In Peace Suckers” sa halip na Revenue Integrity Protection Service. Ang RIPS ay isang grupo sa loob ng DoF na tumutugis sa mga tiwaling kawani ng BIR, Bureau of Customs (BoC) at mga treasury department ng local government.
Ang kanyang text ay nagbunsod sa artikulong lu-mabas sa isang pahayagan noong Sabado na kung saan ipinangalandakan ng DoF ang pagsasampa nila ng kaso sa Ombudsman laban sa empleyado ng BIR at ng BoC. Ang dalawa ay pawang mga may mabababang katungkulan.
Ayon sa press release ng RIPS, si Alejandro Polca ng BIR at Eva Reyes ng BoC ay may mga mamahaling ari-arian daw na ang halaga ay hindi tumutugma sa kani-lang maliit na suweldo. Ang tanong pa sa akin ng texter, bakit wala raw nasasampahang kaso ang RIPS na mga matataas na opisyal ng BIR at BoC at nadi-dismiss sa serbisyo? At bakit puro na lang daw dilis ang mga pinupuntirya? Sinagot din niya ang kanyang tanong. ‘Di tulad ng dilis, ang mga malalaking isda raw kasi ay malakas magsamsam ng dinero (pera) kaya marami silang pang-areglo bukod pa sa pagkakaroon ng mga maimpluwensiyang padrino.
ISANG TAGA-RIPS ang dating nakapagsabi sa akin na dapat daw may magsagawa rin ng lifestyle check sa mismong mga miyembro nila. Marami raw kasi sa hanay nila ang saksakan ng yaman at pera-pera lang ang lakad.
At totoo nga ang kanyang sinabi dahil ilan ng mga taga-RIPS ang napaulat na nabitag sa entrapment operation ng PNP-CIDG matapos makapagreklamo ang tinakot nilang mga taga-BIR at BoC na ipapa-lifestyle check kapag hindi nagbigay ng pera.
Natatandaan ko rin na may ilan nang mga opisyal ng BIR at BoC ang minsan nang ipina-press release ng RIPS na sasampahan ng kaso sa Ombudsman dahil sa paglagpak sa lifestyle check, pero ‘di tinuluyan, bagkus, na-promote pa ang nasabing mga opisyal ‘di kalaunan.
Ang aking naging reply sa texter ay “paano mapapaimbestigahan ng RIPS ang mga matataas na opis-yal sa BIR at BoC samantalang kasama sa mga padrinong nakikinabang sa kanila ay mismong matataas na opisyal din sa DoF at Malacañang?
NAIS KONG papurihan si BoC Commissioner Ruffy Biazon dahil marami na siyang sinibak na mga taong gumagamit ng kanyang pangalan sa panghihingi ng tara sa mga importer at broker (players). Pero alam kaya ni Biazon na putok na putok ngayon sa mga players na puwede silang magparating ng mga kontrabando na kung tawagin ay “special” basta may paalam lang sa Office of the Commissioner? And if the price is right. Isang empleyado raw sa tanggapan ni Biazon ang kinakausap tungkol dito. Ito ay ayon na rin sa mga collectors at examiners.
At may highly dutiable item daw na iisang tao lamang ang pinapayagan na magparating sa napakababang buwis. Ang iba ay tinataga raw nang napakataas na taxation para hindi makapag-compete sa nasabing nag-iisang taong binigyan ng basbas at para ma-monopolized nito ang merkado. Commisioner Biazon, paki-imbestigahan!
Shooting Range
Raffy Tulfo