NATAPOS NA rin sa wakas ang mahabang “drama” sa Senado, dulot ng impeachment proceedings.
Ibig sabihin, balik na sa kani-kanilang trabaho ang lahat, lalo na ang mga senador at mga kongresista na dati ay busy at ang iba naman ay bisi-bisihan. At siguro naman ay hindi na laging tataas ang blood pressure ni “Inday” Miriam. He, he, he!
Lahat kasi ay nakaboto na at makukuha na ang kanilang “bunga ng pinagpaguran”, ika nga.
Ang iba ay premyo mula sa Palasyo. Ang iba naman, kahit masakit raw sa kanila ay kailangang bumoto para makapagtanim… At sa 2013 nila ito aanihin!
At kung totoo nga… sakali lang, parekoy, na totoong mangyari na ang bawat bumoto kontra kay Corona ay pasasalamatan umano ng taumbayan sa pamamagitan ng “boto” sa 2013 elections… isa lang ang ibig sabihin, parekoy. Tapos na rin ang senatorial election sa 2013!
At sa talaan, walang makapapasok sa “Magic 12” na baguhang aspirante gaya nina Mitos Magsaysay, Gwen Garcia, Ruffy Biazon, Danny Lim atbp.
Ang dahilan? Ito ang “re-electionist” senators na bumoto: 1)Edgardo Angara; 2) Allan Peter Cayetano; 3) Chiz Escudero; 4) Gringo Honasan; 5) Ping Lacson; 6) Loren Legarda; 7) Kiko Pangilinan; 8) Koko Pimentel; 9) Antonio Trillanes; at 10) Manny Villar.
Siyempre, parekoy, ang natitirang dalawang slot ay para sa anak ni Manong Johnny na si Jackie Enrile at sa kapatid ni senate pro-tempore Jinggoy Estrada na si JV Ejercito!
Sakali namang tumakbong Vice President sina Escudero at Pangilinan, ibig sabihin ay may bakanteng dalawa uli?
‘Yan, parekoy, ang pag-aagawan ng asawa ni Ralph Recto na si Vilma Santos, asawa ni Bong Revilla na si Lani Mercado Revilla at kapatid ni Senate Majority Floor leader Tito Sotto na si Vic Sotto.
Ang tsansa, parekoy, na makapasok silang tatlo ay kung mahikayat ni P-Noy si Lacson na maging Kalihim ng DILG!
Pero kung hindi tumakbong Vice President sina Chiz at Kiko, at kung hindi tanggapin ni Lacson ang DILG post, maliwanag, parekoy, na mababalewala ang pagbalimbing nina Sotto at Bong Revilla.
Sa bagay, sanay na si Bong sa ganyan, natatandaan pa ba ninyo ang ginawa niya noon sa ninong Erap niya? Hehehe!
Kung sa mga pumabor naman kay Corona, no problem daw si “Inday” Miriam, dahil papunta na siya sa International Court of Justice, hehehe! ‘Wag ka lang magtataray roon madam, baka hindi umubra!
Ahh… si Bongbong Marcos? Hanggang 2016 pa ang kanyang term… Marami pang mangyayari sa panahong ‘yun!
Ang kawawa ay si Joker Arroyo na re-electionist din sa 2013… Aanihin ba niya ang ngitngit ng taumbayan?
Oo nga pala, parekoy, solong-solo ni Joker ang boto ng Iglesia ni Kristo! Hak, hak, hak.
Kung bad ka… lagot ka!!! He, he, he, baka po bad talaga si Corona kaya nalagot?
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303