DAHIL SA dami ng mga pasaway natin mga kababayan kaya hindi napigilan ni Revival King Jojo Mendrez na tumalak sa kanyang Facebook account kahapon, Biyernes (April 17).
Sinupla din niya ang ilang netizens na patuloy na bumabatikos sa liderato ni Pangulong Duterte habang sumasailalim ang bansa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Pero kaninang umaga ang deleted na ang post ng singer at humingi na rin siya ng paumanhin sa kanyang followers sa kanyang ginawa.
Post ni Jojo, “GOOD MORNING SA INYONG LAHAT! Pasensya na po kayo kagabi sa post ko… nagalit lang talaga ako.. Anyway, dinilete ko na po lahat… napansin ko kasi bakit may mga taong ganon.
“Wala naman masamang pumuna at magpahayag ng opinyon o reklamo pero sana wag naman below the belt ang pagtira sa ating Pangulo. Ok lang naman kung may tamang ipinaglalaban o prinsipyo pero napansin ko obvious na may kulay na pinapaboran at may planong pabagsakin ang ating gobyerno.
“Bakit ganyan ang ibang kapwa natin Pilipino? Tamang may demokrasya sa atin pero hindi tamang abusuhin ito. Dahil ba kapag nakaupo ang pinapaboran nilang kulay sila naman ang magiging malakas at makapangyarihan? At masusunod ang mga gusto nila?
“Ako bilang Pilipino, gusto ko lang magkaisa tayo at maging maunlad ang bansa natin, mabawasan o wala na ngang mahihirap na tao. May pagkakaisa ang bawat isa. Nakakalungkot na hindi na natuto ang mga Pilipino na kahit sino pa ang nakaupong Presidente may layunin na pabagsakin at makuha ang posisyon.
“NAKAKALIMOT ANG TAO NA MAY HANGGANAN ANG LAHAT NG BAGAY. Ang sarap kayang mabuhay na kahit simple lang basta andon ang kuntento sa puso at isipan, pagmamahal at pagdadamayan ng bawat isa. GOD BLESS!”