BUKOD kay K Brosas at Randy Santiago na parehong hurado ng Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime ay nasa TV5 na rin ang dating punong hurado ng TNT na si Rey Valera. Magkakasama ang tatlo sa videoke singing contest ng TV5 na Sing Galing.
Si Randy at K ang hosts ng Sing Galing samantalang si Rey naman ang isa sa mga hurado na kung tawagin ay “Juke Bosses.”
Nagdesisyon ang songwriter at hitmaker na magpaalam sa Showtime pagkatapos ng fourth season ng TNT. Isa sa pangunahing dahilan ay para maka-survive ngayong panahon ng pandemya kung saan marami ang walang kinikita.
“Tinapos ko yung season four hanggang doon sa finals bago ako mag-commit sa Sing Galing. Magandang sabihin sa sarili na naitawid ko yung show hanggang dulo, nai-deliver ko hanggang dulo,” pahayag ng music icon.
Patuloy niyang paliwanag, “Wala naman akong kaaway, pero subukan ko naman kayang ibang venue or road. Wala naman akong masamang tinapay kahit kanino doon sa dati, sa ‘Tawag ng Tanghalan.’
“Ang ano lang, marami kang kakilala, kaibigan na andito na and, of course, ang home mo is where your friends are. Hindi ka naman napunta sa ibang lugar kung tutuusin kasi yon ding mga kakilala mo, ang nabago lang is yong place.”
Nilinaw din ni Rey na hindi siya exclusive sa ABS-CBN.
“Ang trabaho naman namin ay parang guest ka doon. Kahit naman ever since, noong araw, ay ako naman ay puwedeng mag-guest sa Channel 7, dito, ganun lang po yon.
“Ang panahon lang kasi ngayon, nagkaroon ng tinatawag na kampo-kampo. Noong panahon namin noon, okay lang, eh,” lahad pa niya.
Malaking factor din daw kung bakit niya tinanggap ang Sing Galing ay dahil sa mga kasamahan niya dati sa It’s Showtime.
“Nagkataon naman, yung mga nag-exodus, sila naman ang sinundan ko. Parang ganun lang naman iyon, eh. Hindi personal, nagiging personal because yung attachment mo with them. Pero sa istasyon, hindi. It’s the people who you cling to,” katwiran pa ng singer songwriter.