NA-TRAUMA ANG young star at isa sa cast ng Mariposa ng GMA 7 na si Rhen Escaño nang madisgrasya at mabangga ang kanilang sinasakyang van galing sa Abra papuntang Vigan para sa promotion ng nasabing serye, kung saan sandaling naidlip ito.
Tsika nga ni Rhen, “Papunta na kami ng Vigan galing ng Abra. Grabe, Tito, ‘yung bangga ng sasakayan namin. Du’n pa tumama ‘yung bumangga sa amin kung saan ako nakapuwesto. Buti na lang nu’ng narinig ko silang nagsisigawan, nakaiwas agad ako.
“Grabe po ‘yung gilid ng sasakyan, yuping-yupi, tapos ‘yung salamin basag. Nagpapasalamat nga ako sa Diyos kasi walang nangyari sa akin at sa aking mga kasama. Kung nagkataon siguro at tulog ako at hindi nakaiwas, baka nadisgrasya na ako.”
Hindi raw makakalimutan ni Rhen ang hindi magandang experience na ‘yun. Kaya naman daw nagdasal siya at nagpasalamat sa Diyos at hindi siya napuruhan, sampu ng kanyang mga kasama sakay ng nasabing van. Maayos naman daw silang nakarating ng Vigan at okey rin daw sila at safe na nakabalik ng Manila.
AMINADO RAW ang Artista Academy Best Actress na si Sophie Albert na after winning, hindi maiiwasang maintriga siya sa kanyang pagwawagi lalo na’t marami na ang nakaaalam na pamangkin siya ng presidente ng Pilipinas.
Tsika nga nito, deadma lang siya if ever may mang-intriga sa kanya at sabihing mas deserving na manalo ang dalawa niyang nakalaban na sina Shaira Mae at Chanel Morales kesa sa kanya.
Dahil ang mahalaga raw, siya ang ginawaran ng Best Actress at dito na lang daw nito ipu-prove sa lahat na deserving siya sa nasabing parangal. Gagawin daw niya lahat ng makakaya para hindi ipahiya ang mga bumoto sa kanyang judges para manalo.
Very thankful daw si Sophie sa suportang ibinigay sa kanya ng kanyang ina at ng iba pa niyang mga kamag-anak sa Cojuangco, gaya ng tita niyang si Mikee na close sa kanyang nakatatandang kapatid at sa lahat ng taong sumuporta sa kanya.
PINASOK NA rin ng apo ng dating Unang Ginang Imelda Rumualdez Marcos ang mundo ng showbiz na si Jolo Romualdez via Walang Tulugan With The Mastershowman at Cielo de Angelina.
Tsika nga ni Jolo, bata pa siya ay gusto na niyang mag artista, pero wala raw chance. Hanggang sa kinausap niya ang kanyang lola at inihabilin nga siya kay Mr. German Moreno na anak-anakan din ng dating First Lady at ang Walang Tulugan nga ang nagbukas ng pinto para maisakatuparan nito ang kanyang pangarap na maging artista.
Bukod sa showbiz, may dugong pulitiko rin si Jolo kung saan dati daw itong SK ng kanilang lugar. Pero sa ngayon daw, mas bibigyan muna ng pansin ni Jolo ang pag-aartista at tsaka na raw bibigyan ng oras ang pulitika, dahil dito raw sa lara-ngan na ito gusto niya unang makilala.
PARAMI NANG parami ang nagkakainteres na mag-audition sa Miss Saigon na gaganapin dito sa bansa sa Nov. 19. At ilan sa nagparamdam ng interse ay sina Julie Anne San Jose, Frencheska Farr, Rita Iringan at ang Fil/Canadian singer/beauty queen na si Gina Damaso.
Kuwento nga ni Gina, super excited na siyang mag-audition lalo na’t forte niya raw ang pag-arte sa entablado, dahil marami-rami na raw musical play ang kanyang ginawa sa Canada.
Hopefully raw, makapasa siya sa kanyang audition. Dream niya raw kasing mapasama sa Miss Saigon at sundan ang yapak ni Lea Salonga na sumikat nang husto sa international scene nang mapasakamay ang role ni Kim. Ngayon daw ay pinag-aaralan na ni Gina ang ilan sa awitin sa Miss Saigon para pagdating ng Nov. 19, handang-handa na siya.
John’s Point
by John Fontanilla