HINDI makapaniwala ang Viva artist na si Rhen Escano na bibigyan siya ng bonggang ending ni Coco Martin sa long-running TV series na FPJ’s Ang Probinsyano na papanood sa Kapamilya channels, online platforms, A2Z at TV5. Namatay na ang karakter ni Rhen (bilang Clarisse) habang nakikipagbarilan si Cardo Dalisay sa mga tauhan ni Arturo Padua (Tirso Cruz III).
Ang death scene ni Rhen na ipinalabas noong March 11 ay nakapagtala ng mahigit 103,000 views sa YouTube, pinakamataas sa kasaysayan ng FPJAP sa online viewing.
“Naniwala sila, eh, kaya nila binigay sa akin yon,” pagtukoy ng aktres sa kanyang death scene.
Hindi rin niya inasahan na mula sa pagiging anak ni Tirso sa serye na may crush kay Coco ay mai-extend ang kanyang role.
“Actually, before, yung character ko doon, wala lang — brat. Anak ni Tito Pip na may crush kay Cardo, ganu’n lang. Hindi ko din po in-expect na ang tulad ko, hindi naman nila ako kilala, I’m just nobody na nagta-trial lang sa showbiz, trying to make a name and ‘yon binigyan nila ng pagkakataon.
“I’m so blessed and humbled na binigay nila sa akin yon and nakita po ng mga tao kung anong kaya kung gawin,” masayang pahayag ni Rhen.
Paano ba niya ide-describe bilang katrabaho si Coco bilang actor-director ng FPJAP?
“First time ko po siyang maka-work at hindi ko po alam na… Hindi ako aware na ganu’n siya when it comes pag nagdidirek na po siya.
“Kasi sa unit po namin, sa unit po ni Direk Coco, wala po kaming script. So ganu’n po siya ka-dedicated at ganu’n siya ka-hands on sa ginagawa niya. Ganu’n siya katalinong mag-isip na yung buong scene sa series na napapanood niyo, idea niya po lahat yon,” paliwanag ni Rhen.
Patuloy pa ng dalaga, “Bilang co-actor niya po, sobra po akong nabilib do’n sa dedication niya sa work niya and kung paano niya kami pakisamahan sa set.
“Hindi ko po talaga naramdaman sa kanya na bago lang ako or hindi niya ako kilala. Never po talaga, since day one, never niya po ako pinabayaan.”