NGAYONG BIYERNES NA magtatapos ang seryeng My Dear Heart at magkahalong tuwa at lungkot ang nararamdaman ni Ria Atayde na gumaganap bilang si Dra. Guia Divina Gracia na tunay na ina ni Heart (Nayomi Ramos).
Sa aming panayam sa magandang aktres, malungkot siya dahil sobrang mami-miss daw niya ang kanyang co-actors sa naturang TV series ng Kapamilya Network dahil sa napakagandang samahan na nabuo nila sa loob ng anim na buwan. Ngunit masaya dahil marami siyang natutunan sa mga kasama niya at higit sa lahat, napansin ang acting niya rito. Itinuturing din ni Ria na blessing sa kanya ang project ng Dreamscape Entertainment.
Hindi kasi inaasahan ni Ria na madadagdagan ang role niya sa seryeng ito. Sa pagkaka-alam niya noong una ay sa pilot at sa ending week lang siya mapapanood sa My Dear Heart.
“Maraming salamat sa pagtanggap sa akin bilang Dra. Guia, super-thank you po talaga sa trust. Ang alam ko kasi pilot and ending lang ako, napaaga ‘yung balik ko, lumaki ‘yung character ko as the mom of Heart, so really thankful talaga ako. Unexpected blessings po ito,” saad ni Ria.
Sa pilot week kasi ng My Dear Heart ay ipinakitang nagbuntis at nanganak si Guia at kaagad ipinadala ng mommy niya (Ms. Coney Reyes) sa ibang bansa para ilayo sa kahihiyan at sa boyfriend na si Zanjoe Marudo.
Ang naturang serye ang masasabing biggest break so far ni Ria. Bukod sa mas malaman ang role niya rito kompara bilang si Teacher Hope sa Ningning, nasa primetime ang magtatapos nilang seryeng ito
“The show is very close to my heart. Sobra! I’m just grateful to the show. Sobrang laki ng naitulong nito sa akin. Sobrang grateful talaga. Sobrang naka-o-overwhelm pa rin hanggang ngayon that I’m slowly achieving my dreams,” pahayag pa ni Ria.
Ngayong huling episode ng My Dear Heart, inaabangan ng mga manonood kung gagaling pa ba si Heart at kung paano makakaapekto sa mga tao sa paligid niya ang kanyang kahihinatnan. Huwag palalampasin ang pagtatapos ng My Dear Heart, mamayang gabi, pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano.
~0~
Gloria Sevilla, mas gustong sumabak sa indie films
Ang tinaguriang Queen of Visayan Movies na si Gloria Sevilla ay isa sa casts ng advocacy movie na New Generation Heroes ng Golden Tiger Films. Mula sa pamamahala ni Direk Anthony Hernandez, pinagbibidahan ito nina Aiko Melendez, Ms. Anita Linda, Jao Mapa, at ng model/fashion and jewelry designer na si Joyce Peñas.
Ito’y ukol sa apat na klase ng guro na may kanya-kanyang kuwento. Sina Salvacion Fajardo, Gener, Lolita at Cora, ang apat na indibidwal na humaharap sa iba’t-ibang pagsubok at pakikibaka sa buhay.
Ano ang role niya sa movie?
Sagot ng veteran actress, “Ina ni Aiko, teacher siya sa movie na nagpunta sa Korea. Dito’y maraming problemang dumating sa buhay niya, pati sa anak niya at sa kanyang asawa.”
Nabanggit din niyang mas gusto niyang gumawa ng indie films. “Okay na okay, mas gusto ko ang indie films. Maliban sa magaganda ang istorya, madaling matapos ang shooting. Kaya mas gusto ko ang indie films talaga.
“Ang indie films ngayon ay magaganda, lalo na yung mga bagong sibol na director na magagaling talaga. At saka they make movies na may istorya na kinakailangan talaga natin ngayon para sa industriya. Mas gusto ko ang indie films, maliban sa magaganda ang istorya, madaling matapos ang shooting.
“In fact, marami kaming na-review na indie films sa MTRCB, magaganda.
Actually, karamihan sa na-review naming indie films ay magaganda talaga,” aniya.
Si Ms. Gloria ay isa sa bagong appoint na member ng MTRCB.
Bilang isang beteranang aktres na higit 60 years na sa mundo ng showbiz, ano ang masasabi niya sa lagay ng movie industry ngayon?
“Ang movie industry natin, basta tulungan ng gobyerno, lalago ito. Kailangan lang ng tulong ng gobyerno, kagaya ng taxes at bigyan ng playdate ang mga indie films. Ang mga producer, bigyan din sana ng insurance ang mga artista, at iba pang tulong…
“Kasi kontrolado ng mga businessmen na Chinese (ang mga sinehan), kaya para bang hindi nila binibigyan ng pagpapahalaga ang mga indie films. It should not be that way. Kailangan ay tulungan natin ang ating local movie industry. Paano lalago kung hindi natin bibigyan ng playdates, hindi natin bibigyan ng halaga ang magagandang indie films?
“Unfair naman, paano iyan? It should be na, sana malimit natin ang coming-in of foreign films, para mabigyan ng playdates ang mga indie films, ang local movie industry. Kasi as of now, hindi nila binibigyan eh. Ang daming magagandang mga pelikulang gawa ng mga bagong director at mga bagong atista, na magagaling din.”
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio