Ricci Rivero hindi nahirapang mag-adjust sa showbiz mula sa pagiging basketball heartthrob

Leo Bukas
BIDA NA sa pelikulang Happy Times ang basketball heartthrob ng UP Fighting Maroons na si Ricci Rivero. Three years in the making ang pelikula na naapektuhan ng pandemya kaya na-delay ang shooting at post production nito. Mabuti na lang at sa wakas ay napapanood na ito ngayon sa streaming platform na Upstream.ph.

Ano ba ang naging reaksyon ni Ricci nung nalaman niyang mabibida siya sa pelikula?

Ricci Rivero

“Ako, nung narinig ko yon hindi ko alam kung ano ang mapi-feel ko. But siyempre, I was praying silently na parang, ‘Thank you Lord, pero tulungan Mo na lang din ako na magawa ko nang maayos yung side ko, na dapat ma-portray yung character, mabigay ko kung ano yung gusto ng direktor,’” sagot ni Ricci  sa ginanap na virtual mediacon ng Happy Times.

Sinagot din ni Ricci ang tanong kung plano ba niya talagang mag-artista pagkatos ng successful career niya bilang basketball player.

“So far po I don’t see myself na successful talaga sa basketball and sa kahit saan,” humble niyang  reaksyon.

“I’m really into something new lang talaga. Parang na-attract ako sa mga Tagalog films dati pa. Kaya nung nasabihan nga ako na magkakaroon ng chance na puwede kong maka-work ang mga artista mas lalo akong nag-enjoy.

“So ako, I’m really into learning of something new talaga, sobrang open ko po kahit saan craft ako papunta. Nakikinig lang din naman ako sa kanila tapos tina-try mag-improve everyday,” lahad pa ng newbie actor.

Sina Sharlene San Pedro at Heaven Peralejo ang dalawang young actress na kasama ni Ricci sa Happy Times na idinirek ni Ice Idanan. Hindi ba siya nahirapang mag-adjust sa bagong environment at sa mga taong pinakikitunguhan na malaki ang pagkakaiba sa paglalaro sa hard-court?

“Parang kino-compare ko siya in a way na parang sa basketball may coaches and sa movie may director, and my co-actors are my teammates. So yung kay Shar at kay Heaven kapag may mga nahihirapan akong part sila rin yung tinatanong ko kung paano ko puwedeng ibato yung linya or kung paano ako magre-react sa sinabi nila.

“Kasi siyempre, hindi naman agad natin alam lahat, di  ba, or marami pa rin naman akong puwedeng matutunan sa iba. Sobrang laking bagay na tinutulungan  nila ako,” pahayag ni Ricci na self-confess fan pala nina Daniel Padilla at Piolo Pascual pagdating sa pag-arte.

Patuloy na kuwento pa ni Ricci pagdating sa adjustment, “Nadalian naman po ako sa pag-adjust (sa showbiz) kasi sabi ko nga, very open naman ako sa kung ano yung nasa harap ko. For example, meeting other people, tina-try ko din as much as  possible  talaga to communicate  kasi nahihiya po talaga ako pag hindi ko close o hindi ako ganun ka-comfortable pa sa paligid ko.

“Ngayon mas tina-try kong mag-approach ng iba lalo na siyempre kung kasama sa work para mas maging close din, mas maging magaan yung trabaho and at mas masaya yung kakalabasan kasi magkakilala na kayo.

“Hindi naman din mahirap kasi may mga friends din naman ako sa showbiz. Gusto ko kasi maliit lang din yung circle ko so konti lang din yung showbiz friends ko talaga.”

Handa naman si Ricci kung saka-sakaling hindi magugustuhan ng netizens ang performance niya as an actor sa Happy Times.

“Sa dami na rin naman po ng pinagdanan ko, siguro yon nga, babalik tayo ulit sa wala namang perfect. So, siyempre kung anuman yung masasabi nung iba baka yon din yung perspective nila towards me, di  ba? Hindi ko rin naman po mababago yon, so don na lang ako sa mga bagay na within my control.

“Yon na lang yung ita-try kong ayusin at pagtutuunan ko ng pansin. Tapos don sa outside na ng control ko siguro po magbabasa ako ng mga comments para kung may mali nga ako babaguhin ko din pero kung wala naman hindi naman siya kailangang damdamin pa or whatsoever,” huling pahayag sa amin ni Ricci.

Previous articleMigo Adecer engaged na sa non-showbiz partner
Next articleKim Chiu muling patutunayan ang pagiging Horror Princess sa ‘Huwag Kang Lalabas’

No posts to display