MARAMING BUWAN din na hindi naging aktibo sa showbiz si Richard Gomez. Kaya naman exited siya na maging visible ulit sa harap ng camera.
“Next week, sisimulan namin ni Sharon (Cuneta) ‘yong Pirated Family,” excited na pagbabalita ng aktor. “It’s a sitcom sa TV 5. For one season lang ‘yon. If it becomes successful, then most likely magtutuluy-tuloy.”
Nagkausap na raw sila ng Megastar tungkol sa gagawin nilang sitcom. Ano ang pakiramdam na after everal years ay muli silang magtatambal?
“Ayos naman. Alam mo naman si Sharon, tawa lang nang tawa ‘yon.”
Although mas identified siya bilang drama actor, hindi naman daw magiging mahirap kay Richard ang mag-comedy.
“Nag-Palibhasa Lalake na ako dati, ‘di ba?” pagtukoy niya sa sitcom na ginawa niya dati sa ABS-CBN na tumagal din sa ere ng ilang taon.
“Versatile naman tayo, eh!” nangiti pang biro ng aktor. “Ang sarap ngang mag-sitcom. Kasi relaxed ka lang.”
Ano ba ang story ng sitcom na gagawin nila ni Sharon at ano ang kani-kanilang magiging role?
“Galing kami sa isang adoption house. Lumaki kami sa isang adoption house. Hanggang sa dumating kami ng age na 16 or 17. Na kailangan mo nang umalis sa adoption house, eh. Kasi malaki na kaming masyado. Wala pa ring nag-a-adopt sa amin. Tapos we have to leave the adoption house na nga. Naghanap kami ng future namin. Eh, nagkataon na may isang mayaman na matanda, naghahanap ng pamilya niya. Nag-pretend kami ni Sharon na mag-asawa at kami ang pamilya na hinahanap niya. Exciting ang sitcom na ito. Hindi ko pa alam ‘yong buong cast pero ang alam ko, makakasama namin sina Gina Pareño, G Toengi at Assunta de Rossi.”
Bukod sa sitcom nila ni Sharon, kasama rin si Richard sa cast ng Sugo, kung saan gaganap siya bilang founder ng Iglesia Ni Cristo na si Felix Manalo. Naghihintay lang daw siya ng kanyang shooting schedule para rito.
May gagawin din siyang pelikula under Star Cinema. Makakasama naman niya rito sina Gretchen Barretto at John Lloyd Cruz na ididirehe ni Chito Roño.
“Legal drama ang tema naman no’n. Serious movie talaga ‘yon. Si Gretchen portrays a doctor. Ako naman, a lawyer. And then si John Lloyd, parang may tama siya sa pag-iisip pero hindi naman masasabing mentally retarded. Sa story nito, mag-asawa kami ni Gretchen na we’re about to break up. Gano’n ang status namin. Tapos parang magkaka-love triangle sa aming tatlo ni John Lloyd. Marami na rin kaming pinagsamahang pelikula ni Gretchen. Si John Lloyd naman, although first movie namin ito, nakatrabaho ko na siya noon sa Palibhasa Lalake. Totoy pa siya that time. Batang-bata pa siya noon.”
Tapos ngayon, isa na si John Lloyd sa mga sumusunod sa yapak niya bilang isang de kalibreng aktor.
“That’s nice!” nangiting reaksiyon ni Richard. “Unang-una, guwapo siya. Tapos magaling pang artista. ‘Di ba? Versatile. Tapos for the longest time, nandiyan pa rin siya.”
Si Richard ang binansagang Adonis of Philippine Cinema. At magpahanggang ngayon, siya pa rin ang pangunahing simbolo ng kakisigan sa local showbiz.
“Marami namang guwapong artista diyan. Hindi pa lang sila nagma-mature.”
Pero iba pa rin siya. Tila hindi nagkakaedad. Hindi nagbabago ang kaguwapuhan at ang matipunong bulto ng kanyang pangangatawan. Ano nga ba ang sikreto niya?
“Kailangang positive lagi ang outlook sa buhay. Alam mo naman ako, gano’n lang ako, ‘di ba? Kapag may problema, i-solve mo kaagad. Kapag hindi, kalimutan mo na.”
Malaking bagay rin siguro ang pagkakaroon ng isang Lucy Torres bilang asawa niya?
“Isa pa ‘yon! Kailangang happy talaga ang family life mo.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan