HINDI PA PALA nagkikita at nagkakausap sina Annabelle Rama at anak niyang si Richard Gutierrez nang dumating sila sa presscon ng Full House last Monday.
“Kaya nga dumiretso ako agad sa dressing room nila,” natatawang pahayag ni Annabelle nang kumustahin namin. Kararating niya from Las Vegas at Los Angeles sa U.S. at wala pa siyang tulog, kung kaya’t nangangalumata pa siya.
“Pinuntahan ko ang bahay namin sa L.A.,” aniya. “Wala kasing nakatira roon at may caretaker lang. Baka nabubulok na at kailangan ang major repairs, kaya inasikaso ko. Hindi rin ako nakasama sa taping nila ng Full House sa Prague dahil hindi ko makakaya ang lamig doon. Hindi rin nakasama si Jun (Lalin) dahil nasa New York siya with Raymund (kakabambal ni Richard) for Starstruck. Sobrang jetsetter ‘yang si Jun. Sobra kaming busy, pero walang reklamo dahil maraming blessings. Isang bagay lang ang hiningi kong pasalubong kay Chard. Isang statue ng Sto. Niño. Nabili naman niya kaya wala rin akong reklamo.” Inabutan din ako ni Annabelle ng isang estampita ng Sto. Niño na sobra kong na-appreciate.
Sa isang linggong pananatili ni ‘Chard sa Prague, na-miss niya ang adobo ng kanyang mommy.
“Hindi kasi masarap ang pagkain doon,” kuwento niya. “Buti na lang at may mga Pinoy na nag-offer na iluto kami ng adobo. Kaya, tuwang-tuwa kami ni Heart at ng crew. Kahit ang mga crew namin na taga-roon ay nasarapan din sa adobo natin, kaya tiyak na mami-miss nila ito pag-alis namin. Iba talaga ang lutong Pinoy.”
Maliban sa adobo, ipinahayag ni ‘Chard kung paano nila ini-enjoy ang pananatili sa lugar na pinili ng GMA-7 para maging location ng FH.
“Para sa akin na nasanay sa action, very light ang paggawa namin ng bago kong project. Para kaming naglalaro lang ni Heart at ng iba pang kasama namin sa cast. Hinahanap-hanap ko ang pressure ng action scenes at ang mga sakit ng katawang nararanasan ko. I always look forward to every taping day, dahil nagigising ako. After every taping day kasi, masarap matulog. Napakaganda ng paligid at mawi-wish mo na may kasama kang love one. Pagbalik ko sa lugar na ito, gusto ko namang hindi winter ang climate, para ibang klase naman ang mapasyalan ko. Hindi ko lang alam kung kelan ito, dahil pagbalik namin dito, agad inilatag sa akin ang susunod naming kukunan at ang project na medyo controversial.”
Tinutukoy marahil ni ‘Chard ay isang pelikulang pagsasamahan nila ng isang dating leading lady na nalalayo yata sa kanilang bakuran. Balita ring per project ang contract ng dating leading lady niya sa labas ng GMA, kung kaya’t posible ang pagsasama nilang muli.
“First time ding may nag-taping o shooting sa lugar na iyon. Kaya, first time makikita ang lugar sa isang teleserye. Dahil first time nga, hindi very expensive ang location.
“Hindi rin puwede roon ang mag-tape overnight o pamorningan katulad ng ginagawa natin dito sa ‘Pinas. Eight hours a day lang. Kaya, binibilisan namin lagi ang trabaho. Nagulat talaga sila sa bilis ng phasing natin. Napakagaan ng work, kasi malamig at hindi kami pinagpapawisan. Panay tuloy ang work out namin, exercise at pamamasayal. Walang gustong magpahinga dahil sayang ang panahon at baka hindi namin mapuntahan lahat ng dapat puntahan.”
Isang bagay na na-excite si ‘Chard ay ang pagkakaroon nila ng chance na makapag-shoot sa mismong Cathedral ng Sto. Niño. Hindi raw pinayagan na kunan ang loob ng simbahan doon. Much less, kung magkakaroon ng taping o shooting. Pero, nagawan ng paraan ng TV exec na si Reggie Magno.
“Napakabait ni Ambassador Regina Sarmiento. Pinayagan niya kami na makapag-tape pa kami roon. Eksenang magkasamang magdarasal sina ‘Chard at Heart. Ipinakita pa sa amin ang mga damit ni Sto. Niño na donated by famous names all over the world. At nakita namin ang donation ni Ben Farrales.
Mas marami pa sana silang mabibiling souvenirs, kung higit kaysa one week ng pananatili nila roon. Hindi kasi Euro ang perang ginagamit doon, crown daw. Three times lang ang equivalent ng pesos doon, kaya hindi talaga expensive. Ang gaganda nga ng nabibili nilang costumes ni Heart. Mapapanood n’yo ito sa initial telecast before Nov. 30.
Wala ring masyadong binago si Direk Mark Reyes sa orig Korean telenovela. “Binigyan lang ng konting depth ang istorya para kumapal. Medyo manipis kasi. Sa orig kasi, once a week itong ipinalalabas noon sa Korea. Pero rito sa atin, Mondays through Fridays ito mapapanood.
BULL Chit!
by Chit Ramos