HALATANG MASAMA ANG loob ni Richard Gutierrez sa ginawang pagdedemanda ni Lorayne Pardo, ang asawa ng namayapa niyang production assistant na si Nomar.
Itinatanggi ni Richard ang sinasabi ni Lorayne na wala silang ibinigay na tulong kahit singko.
Unfair naman daw ito sa kanya dahil buhay pa si Nomar, nagbibigay na ng tulong si Richard. Hindi nga raw ito alam ng Mommy niya na bukod sa binibigay niyang suweldo sa namayapang PA, pinapag-aral pa niya ang panganay na anak nito. Alam naman daw iyan ni Lorayne.
Paliwanag ni Richard at ng abogado nitong si Atty. Agnes Maranan, hindi kagustuhan kanino man ang nangyaring aksidente na ikinasawi ni Nomar, muntik na rin nga raw itong ikamatay din ni Richard, pagkatapos ngayon kakasuhan pa siya?
Dagdag na paliwanag ni Richard, pagkalabas niya ng hospital ay kaagad na pumunta siya sa burol ni Nomar. Nag-alok siya ng tulong sa pamilyang naiwan dahil naalala raw niyang nung nabubuhay pa si Nomar, laging sinasabi nitong ang gusto lang naman daw niyang mapag-aral ang mga anak niya kaya nag-alok daw si Richard ng tulong na pagpapa-aral sa mga bata. Meron daw siyang educational plan na inaalok pero hindi naman daw tinanggap nitong Lorayne. Ang gusto raw pala nito ay apat na milyong pisong cash na sabi nga ni Tita Anabelle, para na silang bina-blackmail.
Hindi naman daw magkakait ng tulong si Richard at ang buong pamilya nito, pero sa nangyayari ngayon parang lalo lang pinalala ang gulo kaya haharapin daw nila kung ano mang kaso itong isinampa ni Lorayne.
“Yung aksidenteng nangyari, dadalhin ko na iyan habang buhay eh. Pero ang nangyayari ngayon, lalo pang nagpalala sa sakit na nangyayari sa akin. It was an accident. Wala pong may gustong mangyari ito, kahit po ako,” himutok ng aktor.
Suportado si Richard ng buong pamilya niya lalo na si Tita Anabelle na galit na galit sa ginawa nitong Lorayne. Tinawag niya itong traydor at tingin daw niya, merong taong sumusulsol para guluhin lang sila lalo na ang kanyang anak.
Sa kabila ng ganitong problema, hindi nakalimot si Richard sa patuloy na suporta ng mga manonood sa Zorro. Nanatili itong number one sa primetime at inaasahang lalo pang tataas ang rating nito sa nalalapit niyang pagtatapos. Ang susunod na gagawin ni Richard sa GMA 7 ay Fullhaus pero wala pang balita kung sino ang makakatambal niya dito.
Lalo raw tumitibay ang pamilya Gutierrez dahil sa mga pinagdaanan nilang problema.
SA KABI-KABILANG asunto, sinasabi pa ni Tita Anabelle na ini-enjoy raw niya itong kasong Libel na isinampa naman sa kanya ni Ma’m Wilma Galvante, dahil sinimulan naman daw ito ng naturang GMA executive.
Nu’ng nakaraang Biyernes nga ay nagkita na sila sa korte sa sala ni Judge Leah Domingo-Regala ng QC-RTC Hall of Justice.
Pagkatapos ng hearing ay tumuloy sila sa mediation pero ang abugado na lang ni Ma’m Wilma ang pinapunta roon.
Sa August 26 daw ang kanilang mediation at doon ay maghaharap sila uli dahil isa ito sa mga prosesong pagdaanan bago ituloy ang kaso.
Kung hindi sila mapag-ayos, tuloy nga ang kaso at tingin namin mukhang malabo ang pag-aayos kaya abangan na lang natin ang kahihinatnan ng kasong ito.
By Gorgy’s Park