HINDI NA nakaiwas si Richard Gutierrez sagutin ang matagal nang itinatanong sa kanya ng press kung sino ba talaga ang nagmamay-ari ng kanyang puso.
Naging guest co-host kasi si Marian Rivera ng Startalk last Saturday at walang choice si Chard kundi sagutin ang kahit anong itanong sa kanya ni Marian sa nasabing talkshow that day.
Kailangang siputin ni Chard ang talkshow alang-alang sa promo ng kanilang movie ni Marian na My Lady Boss na finally ilalabas na rin sa Wednesday (July 3) sa mga sinehan.
Unang tanong ni Marian kay Chard ay kung sino ang masasabi niyang lady boss? Kaagad na sinabi naman ni Chard na ang mother niya na si Annabelle Rama ang masasabi niyang boss.
Sundot ni Marian kung sino naman ang boss sa puso ni Chard?
“Alam naman ninyo kung sino ang boss ng puso ko,” sagot ni Chard.
Pero ‘di pumayag si Marian na hindi sabihin ni Chard ang pangalan ng minamahal ng actor.
Napilitan lang sabihin ni Chard ang pangalan ng boss ng puso niya nang sabihin ni Marian na kailangan sabihin ang pangalan dahil masarap sa pakiramdam ng isang babae na ipagmalaki siya ng kanyang sinisinta.
“Si Sarah (Lahbati) ang boss ng puso ko. Nami-miss ko nga siya. Nandito lang ako para sa kanya,” say ni Chard na namula ang mukha pagkatapos aminin on national television na si Sarah ang nagmamay-ari ng kanyang puso.
Tanong naman kina Marian at Chard, kung nagkataon na pareho silang libre at walang nagmamay-ari ng kanilang mga puso, posible ba silang ma-in-love sa isa’t isa?
Nahirapang sagutin ni Chard ang tanong pero to the rescue si Marian at very safe na nasagot nito ang tanong na hindi makaaapekto sa kanilang mga karelasyon.
Si Marian ay very vocal na si Dingdong Dantes ang nagpapasaya sa kanya at si Chard nga ay si Sarah Lahbati.
“Hindi ganito na lang. Pareho kaming kinikilig ni Chard nang gawin namin ang My Lady Boss,” say ni Marian.
“Tama,” sagot din ni Chard.
KAHIT MEDYO tumaba si Wendell Ramos, nakahanda pa rin itong rumampa sa stage. Katuwiran ng actor ng makausap namin sa taping ng Undercover sa New Manila kamakailan na madali naman daw siya magkapag-reduce. Bigyan lang daw siya ng tatlong linggo, maibabalik niya muli ang dating katawan.
Naitanong kay Wendell kung hindi ba niya nami-miss ang mga kakenkoyang ginagawa niya noon sa Bubble Gang na napapanood every Friday sa GMA-7, ngayong isa na siyang Kapatid talent?
“Yes! Miss na miss ko na ang dati naming samahan ng BG barkada. Sina Michael V, Ogie (Alcasid), Antonio (Aquintaña) atbp. Fifteen years din kasi kaming magkakasama sa sitcom.
“Pero no regret naging Kapatid na ako. Hindi naman kasi nila ako pinababayaan. Inalagaan din naman nila ako. Miss ko lang ‘yung mga ginagawa naming pagpapatawa at kuwentuhang barkada,” sabi ni Wendell.
Tungkol naman sa isyu ng paglipat ni Ogie sa TV 5. Inamin ni Wendell na totoong may negosasyon between Ogie at TV5 management, pero ‘di niya alam kung anong nangyari ngayong nananatiling kasama pa rin daw si Ogie sa Sunday TV show ng GMA-7.
Sinabi pa ni Wendell nang magkita raw sila ni Ogie, Kapatid ang itinawag sa kanya ng actor/composer/comedian.
Kaya clueless si Wendell kung anong nangyari sa negosasyon sa pagitan nina Ogie at TV5 management.
Pero whatever happens, mananatili ang kanilang pagkakaibigan ng Bubble Gang barkada.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo