Sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide si Richard Gutierrez ni Lorayne Pardo, balo ng production assistant ng aktor na si Nomar Pardo, matapos ang dalawang buwan mula nang masawi ito sa isang vehicular accident. Si Richard ang nagmamaneho ng sasakyan na bumangga sa isang poste at nahulog pa sa bangin. Agad na namatay si Nomar samantalang sugatan naman si Richard at ang kanyang bodyguard.
Kahapon, July 27, nakausap ni Ogie Diaz sa radio program niyang Wow! Ang Showbiz! ang ina at talent manager ni Richard na si Annabelle Rama. Agad nitong tinukoy na may kinalaman si Ms. Wilma Galvante, senior vice-president for entertainment ng GMA 7, sa demanda ni Lorayne laban kay Richard.
“Ang nasa likod ni Lorayne ay si Wilma Galvante,” diretsang pahayag ni Annabelle. “Kasi, may nag-text sa akin two days before mag-presscon si Lorayne. At two days before siya mag-file ng case against Richard, may nakakita sa kanya sa 7th floor ng GMA (TV network) kung saan ang office ni Wilma Galvante.”
At ayon sa taong nakausap daw ni Annabelle, kaya nandoon si Lorayne ay dahil nagbigay ito ng mga resibo kay Ms. Galvante ng mga nagastos sa libing ng asawa nito.
“Pero hindi ako naniwala,” patuloy ni Annabelle. “Kaya ginawa ni Wilma ‘yan, para ang press, inililihis niya, para ang atens’yon do’n na kay Lorayne, hindi na sa aming dalawa. Kaya naniwala talaga ako sa nag-text sa akin, ang may pakana n’yan si Wilma. Bakit ang lakas ng loob ni Lorayne na magpa-presscon na sira-siraan niya si Richard?”
Bago pa umabot sa demandahan, kinausap naman daw ni Annabelle si Lorayne at sinabi niya rito kung ano ang planong mga suporta ni Richard sa mga naulila ni Nomar.
“Sabi ko, ipararating ko sa iyo ang tulong ni Richard sa pamilya mo,” kuwento ni Annabelle. “Concerned si Richard sa mga bata. Sinabi ko sa kanya ang gusto ni Richard, magbibigay siya ng 12,000 (pesos), suweldo ni Nomar, every month for three years. ‘Yung educational plans ng mga bata hanggang college na. Para wala na siyang iintindihin. Um-oo na sa akin ‘yung tatay [ni Lorayne]. Um-oo na sa akin si Lorayne. Sabi ko, itawag mo na lang sa akin kung kailan tayo puwedeng mag-usap para maipadala ko na ‘yung mga tseke ni Richard.
“Nu’ng tine-text ko na si Lorayne, kinukuha ko na ‘yung pangalan ng mga bata, ayaw na niyang sumagot sa akin. Tapos narinig ko na lang na nagpunta sila sa police station, after two months, kumuha ng police report. Tapos, nagpa-presscon pa! Sabi ko, merong gumastos ng presscon d’yan. Kasi, wala namang pera sila, ‘no? May gumastos d’yan ng presscon.”
Wala raw naitulong na pinansyal si Richard sa naulila ni Nomar?
“Nagkakamali siya,” diretsang banggit ni Annabelle. “Ako, matulungin akong tao, napaka-generous ko. Lalo na si Richard, kasama niya si Nomar seven-days-a-week, hindi pababayaan ni Richard ‘yan. Unang-una sa burol, habang nakaburol si Nomar sarado ang opisina namin, lahat ng mga tao ko nandoon sa wake, tumutulong. Nagpapa-cater ako gabi-gabi. ‘Yung catering ko naman pinapasarap ko na dahil nandoon ang pamilya ko gabi-gabi.”
Pati raw ang tulong na nanggaling sa GMA-7, ginawan ng paraan ni Annabelle na makarating sa kanila. Nang tawagan daw siya ng misis ni Atty. Felipe Gozon [president, GMA TV network] na si Emmy, kung ano ang tulong na kailangan ni Richard, sinabi niya rito na ibigay na lang ‘yon sa pamilya ni Lorayne.
“Sabi ko, ‘wag na kay Richard, do’n na lang sa namatay. Kaya tumulong sa kanila ang GMA dahil din sa amin,” banggit ni Annabelle.
Patuloy niya, “Nasasaktan ako. Lahat ng tulong ko, hindi siya nagpapasalamat. ‘Yung tulong naming galing sa puso, hindi niya naa-appreciate. Ano ‘yon? ‘Yung puso niya bato? Hindi ko maintindihan.
“Kinapalan ko na ang mukha ko. Lahat ng kaibigan kong mayayaman hiningan ko ng abuloy para magkapera sila. Anong sinasabi niyang kahit piso wala siyang nakuha sa pamilya Gutierrez? Ngayon, napalibing ang asawa niya, do’n na siya kumampi sa mga taong hindi tumutulong sa kanya?”
Diin pa ni Annabelle, “Magsisisi siya d’yan. Ang taong tumutulong sa pamilya niya, sinisiraan niya. Ewan ko kung tutulungan pa siya ni Richard. Sinira niya ang pangalan ni Richard! Dapat malaman ni Lorayne na si Richard lang ang tumutulong sa pamilya niya.”
by Eric Borromeo