Walang Wilma Galvante sa kasong ito!”
Ito ang diretsang pagtanggi ni Lorayne Pardo, ang biyuda ng PA ni Richard Gutierrez na si Nomar Pardo sa isyung may kinalaman ang GMA TV network executive sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide na isinampa niya laban sa aktor. “Hindi ako kilala ni Ms. Galvante. Nakikita ko lang siya sa TV.”
Nadawit ang pangalan ng lady executive nang banggitin ni Annabelle Rama na ito diumano ang sumusuporta ngayon kay Lorayne. Sa pahayag ng ina at talent manager ni Richard, may nakakita raw kay Lorayne sa opisina ni Galvante na nagbibigay ng mga resibo ng mga ginastos sa burol at pagpapalibing kay Nomar.
Paliwanag naman dito ni Lorayne, “’Yung resibo na ‘yon, ibinalik ko, kasi GMA network ang nagbayad sa burol at sa libing ng asawa ko. ‘Yung mga dokumento, ‘yung mga resibo, kailangan kong hiramin sa kanila. Ibinalik ko sa GMA para sa liquidation nila. ‘Yun ang dahilan kung bakit ako pumunta ng GMA network.” Hindi rin daw empleyado si Nomar ng TV network, kaya malaki ang pasasalamat ni Lorayne sa tulong na natanggap nila mula rito.
Nilinaw rin ni Lorayne na kaya raw siya nagdemanda ay dahil nanghihingi sila ng P4-M financial support mula sa pamilya Gutierrez. “Wala kaming hinihingi na kahit ano sa kanila,” diin niya. “Ang sabi nila, may demanda ako na 4 million, ngayon naman ang sabi nila humihingi ako ng 4 million.
“Sabi ni Richard, gusto ko raw ay 4 million. Paanong nag-ask ako sa kanya? Ni minsan hindi ko siya nakausap. Walang hinihinging 4 million ang kampo ko o ako sa kanila. Lahat po ng mga bagay na ‘to, sa kanila nanggagaling. Sila ang nag-o-offer sa amin, wala akong hinihingi,” muling diin ni Lorayne.
Ang tanging gusto lang naman daw ng biyuda ni Nomar ay malaman mula mismo kay Richard kung ano ang totoong nangyari nang maaksidente sila. Pero hanggang ngayon, hindi niya pa nakakausap ang aktor.
“Bilang wife ni Nomar, I have all the rights to know kung ano ang nangyari,” umiiyak na pahayag ni Lorayne.
Bakit hindi niya raw tinanggap ang alok na suweldo ng kanyang asawa na matatanggap niya sa tatlong taon? Pati ang educational plans ng kanilang anak, bakit niya raw tinanggihan?
Paliwanag ni Lorayne, pinapili raw siya ni Annabelle kung educational plan o lump sum ang gusto niya.
“Nag-agree ako do’n sa pera na inaalok nila, three years na suweldo ng asawa ko amounting to P432,000,” aniya. “Do’n na namin kukunin ang pag-aaral, panggatas, pangkain, pati damit ng mga anak ko. Okey na ako sa maliit na halagang ibinibigay nila sa amin. Pero lumipas ang araw, linggo, buwan, wala akong natatanggap sa kanila.”
Bukas ba siya sa isang amicable settlement?
“Kriminal ang kasong ito, wala po itong settlement,” diretsang pahayag ni Lorayne.
by Eric Borromeo