NAGPASABOG NA naman ng pa-Christmas raffle ang main cast ng The Amazing Praybeyt Benjamin na sina Vice-Ganda, Richard Yap, Alex Gonzaga at Direk Wenn Deramas sa entertainment press last Sunday, November 7. Naging panata na ito nina Vice at Direk Wenn every year na pasayahin ang media tuwing may pelikula silang ipalalabas sa Metro Manila Film Festival this coming December 25.
Katwiran ni Direk Wenn, “I-share natin ang blessing sa mga kapatid natin sa panulat na patuloy na sumusuporta tuwing may pelikula tayong ipalalabas. Malaki ang naitutulong nila sa amin lalo na sa mga artista, pino-promote nila sa twitter, facebook at Instagram at isinusulat ang aming mga pelikula. Once a year lang naman ito, tuwing sasapit ang Kapaskuhan, dapat magbigay naman tayo. Ever since, palagi akong naka-support sa press.”
Masasabing doble-doble ang tawanan para sa buong pamilya ngayong Pasko sa grand comeback ng unkabogable na si Vice Ganda para sa kapana-panabik na part 2 ng kanyang markadong papel bilang si Praybeyt Benjamin Santos. Ito’y opisyal entry ng Star Cinema at ng Viva Films sa 40th MMFF.
Naging phenomenal ang Praybeyt Benjamin last year, nilampaso nito sa takilya ang mga kasabayan, more than 300 million ang kinita nito sa takilya. Uulitin ng comedian/singer ang kanyang papel bilang nag-iisang blockbuster na sundalo ng Pilipinas. Itinuturing at inaasahan na ito ay magiging pambansang comedy movie para sa lahat ng mga Pilipino ngayong darating na Pasko.
Magsisimula ang amazing journey ni Praybeyt Benjamin kung saan ito natapos mula sa unang pelikula. Maraming nakakalokang eksena rito si Vice Ganda na kagigiliwan ng mga manonood. Mas nahirapan nga raw siya rito sa part 2. Kailangan gawin niya ‘yung mga training na ginagawa ng tunay na sundalo. Excercise sa kainitan ng araw, paghawak ng iba’t ibang baril at kung papaano ito gamitin. Siyempre, nabubuhay ang dugo ni Vice kapag si Tom Rodriguez na ang kanyang kaeksena. May mga nakakikilig na eksena ang dalawa na super na ini-enjoy ng magaling na komedyante.
Nand’yan na nilalandi ni Vice ang hunk actor na si Tom bilang amazing kontrabida. Super delicious naman daw ang katawan ni Tom at napakabango nito. Ang sarap amuy-amuyin at papakpapakin. Sinong bakla ang hindi magpapantasya sa isang tulad ni Tom, aber? Ikinuwento rin ni Vice kung gaano kasaya kaeksena si Richard Yap bilang si General Wilson Chua. Palaging seryoso tuwing may eksena sila, pero nakakatawa ito tuwing magbibitiw ng dialogue. Hindi raw niya mapigilang tumawa dahil sa facial expression nitong laging seryoso.
“Ang nangyayari tuwing take, tawanan nang tawanan sina Vice kapag eksena na nila ni Richard. Mahirap mo siyang patawanan pero kaming nanonood sa kanya sa monitor ay natatawa. Hindi nila mapigilang tumawa kaya paulit-ulit naming kinukunan ang eksena. Hindi nagpapatawa si Richard, pero nakakatawa siya. ‘Yung reaction niya, pati pagbibitiw ng dialogue, naaaliw kami. First time niyang gagawa ng comedy, nag-a-adjust siya dahil comedy itong pelikula namin. Enjoy naman ni Ser Chief. Ibang-iba ito sa mga papel na nagampanan na ni Papa Chen. Itong movie namin ang unang pagsabak niya sa comedy genre dahil romantic-comedy at drama ang bumubuo sa kanyang body of work,” kuwento ni Direk Wenn.
Isa pang welcome addition sa grupo ay ang Philippine cinema breakthrough child star na si Bimby Aquino Yap na kaliwa’t kanan ang mga endorsements na siyang nagbigay sa kanya ng household name at ng reputasyon, sa kanyang murang edad. Sa totoo lang, lahat ng kanyang gawin ay isang milestone na dapat abangan at tutukan ng lahat. Super cute, bibo at ang lakas ng karisma ni Bimby kaya’t tinatangkilik siya ng publiko.
Kasama rin sa cast si Alex G., bilang Yaya. Nagbabalik sina Nikki Valdez, Vandolph, Kean Cipriano, DJ Durano, at Ricky Rivero bilang mga tropang sundalo ni Praybeyt Benjamin. Mahalagang papel naman ang ginagampanan nina Al Tantay, Malou De Guzman, Abby Bautista, at Angeline Urquico bilang mga miyembro ng amazing na pamilya ni Benjamin.
Ang The Amazing Praybeyt Benjamin ang muling pagsasama ng apat sa mga bigatin ng industriya ng pelikulang Pilipino na pinangungunahan ni Vice Ganda kasama si Direk Wenn Deramas, Viva Films at Star Cinema mula nang nag-collaborate sila nu’ng nakaraang taon sa napakalaking hit na Girl, Boy, Bakla, Tomboy na siyang humahawak ng inaasam na titulo bilang highest grossing movie of all time.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield