‘DI KO alam ang buo niyang pangalan. Alam ko lang ang tawag ng lahat sa kanya ay tumataginting na “Ricky Boy”.
35-anyos, si Ricky ay all-around helper sa bahay ng aking biyenan, Atty. Becky Escolin sa Valle Verde II, Pasig City. Tubong Gumaca, Quezon, ama siya ng apat na anak. Pakiwari ko’y tapos lamang siya ng high school at ‘di natapos na kurso sa vocational. Mahigit nang 20 taon siyang naglilingkod sa aking biyenan.
Kasiyahan ko na tawagin siya ng tumataginting na “Ricky Boy”. Agad siyang ngingiti. Ang kasipagan at kabaitan niya ay likas. As all-around utility man, alam niyang lahat ng kahit anong ipagawa sa kanya: pagkukumpuni ng gripo, ilaw, lababo, pagtatanim, pagma-manicure ng lawn at marami pang iba. Sulit na sulit kami sa kanyang napakasipag na paglilingkod.
Tuwing isang buwan, inaayos niya ang aking garden. May green thumb siya. Lahat ng kanyang hinahawakang halaman ay nabubuhay. Maaruga rin siya sa hayop.
Si Ricky ay isang simple at ordinaryong nilalang. Walang masyadong matayog na pangarap o ilusyon. Simple rin ang kanyang maybahay na namamasukan din. Hustung-husto pa lamang ang aming kinikita subalit kami’y maligaya. Mahalaga po, wala kaming sakit. Palagiang bigkas niya.
Malimit palihim kung sinusulyapan si Ricky habang siya’y nagtatabas ng damo sa aking hardin. At malimit nababakas din sa kanya ang pambihirang kapayapaan ng pag-iisip at kaluluwa. Walang needless worries o malaking suliranin. Mas naiinggit ako sa kanya.
Iba’t iba at pira-piraso ang uri ng buhay at kay Ricky, naintindihan ko na ang tunay na kaligayahan sa mundo ay ‘di sa kayamanan o kapangyarihan. Kundi sa pusong mapagkumbaba, masipag na katawan, tapat na pag-ibig sa Diyos, bayan at kapwa.
Si Ricky ay hinahangaan ng kanyang kapwa kasambahay na sina Edith at Emily. Sila rin ay simple at mabait na nilalang. Kaya mambabasa, batiin ninyo si Ricky Boy… si Ricky Madrelejo.
SAMUT-SAMOT
LAHAT HALOS ng sangay ng Mercury Drug ay pinuputakti ng customers. Senyales ito na talagang napakaraming maysakit. Ang government at private hospitals ay puno rin. Sa Mercury Rosario, Pasig branch ako bumibili dala ang senior citizens card. Napakagaling na pribilehiyo ito. 20% discount sa prescribed medicines ay napakalaking bawas sa bulsa. Dapat i-expand pa ang mga gamot na puwedeng i-cover ng card. Gamot at injection laban sa diabetes at iba pang life-threatening ailments ay dapat isama.
DOMINADO NG Mercury Drug ang pharma retail market. Walang puwedeng mabuhay na maliit na botika ngayon. Ang Generics Pharmacy ay marami pang lalamunin para mapantayan ang Mercury Drug. Samantala, unti-unti nang nababawasan ang hawak ng Unilab sa pharma market. Namamayagpag ang maraming multi-national kagaya ng Glaxo-Smith Kline, Pfizer, Abbott at Zuellig. Ngunit sa Southeast Asia at kahit Central America, lumalago nang lumalago ang negosyo ng Unilab.
MAHIGIT DING dalawang dekada akong naglingkod sa Unilab. Pangalawang trabaho ko pagkatapos kong magtapos ng pag-aaral sa college. Nagsimula ako sa mababa at umalis din ako galing mababa. Salamat na lang, napasabak ako sa pulitiko. Salamat sa mga angkan ng mga Laurel ako’y binigyan nila ng oportunidad. Taos-puso ang utang na loob ko sa kanila.
BAKIT PAGTANDA ay bigla-bigla na lang bumubulusok ang alaala ng malayong nakaraan? At bumubulusok na parang pelikula, black and white. Sa malimit kong pag-iisa, bumabalik ang alaala ng aking pagkabata sa San Anton, San Pablo, Laguna. Paliligo nang hubo sa ilog ‘pag tag-araw, pagtitinda ng pinyang Hawaii at bitso-bitso, pag-akyat sa burol at bundok, panghuhuli ng paru-paro at salagubang. Nakaaayang ibalik sa isip ang ginintuang panahong ito.
SIMULA PAGKABATA, alam ko na ang magiging propesyon ay manunulat. Mahilig akong magbasa ng libro at magsaulo ng English words sa dictionary. Mahilig din akong magsulat ng tula at maikling kuwento. Pangarap ko talaga’y maging sikat na manunulat. Salamat sa Diyos, pinagkalooban Niya ako ng ganitong talento. Wala akong alam na propesyon kundi pagsusulat na ibinuhay ko sa aking pamilya.
TSISMIS, INTRIGA at away pa rin ang kalimitang paksa sa showbiz programs. Namamayagpag ang kabaklaan. Nu’ng una, ikinahihiya ang pagka-bakla. Ngayon badge of honor. Baligtad na ang mundo. Buti na lang umalis na si Kris Aquino sa magulo at masa-limuot na mundong ito. Ayos na siya sa kanyang daily morning TV show tungkol sa scenic spots at ating kultura. Kapansin-pansin ang naging pagka-mature ni Kris. Puwede na siyang maging gobernador o senador sa 2016. Bakit hindi?
NAUWI SA hablahan ang away nina Bea Binene at batikang abogado Ferdie Topacio. Nagde-demanda si Topacio ng P10-M danyos-perwisyo dahil diumano sa pagkasira ng kanyang pangalan. Ewan natin kung saan hahantong ito. Dapat magpalamig muna ang magkabilang panig. Tagilid si Bea rito sapagkat may mga pinanghahawakang dokumento si Topacio. Abangan.
BAKIT NAUUGNAY si Topacio sa isang rising starlet ngalan ay Marvelous? Sa pagkaalam ko, tinutulu-ngan ni Topacio ang starlet sa kanyang career. Siyempre ‘di maiiwasan ang makita sila sa public places. Ang kakatihan ng dila ng showbiz press. Tantanan na ninyo si Ferdie!
PAYAG BA kayong ibalik ang death penalty? Ayon kay Dante Jimenez, VACC chairman, dapat lang. Nagwawala ang mga kriminal kagaya ng pagkapaslang sa isang UST coed sa Cavite kamakailan. ‘Di raw takot ang hardened criminals sa life sentence. Ang death penalty ay tiyak na deterrent. Nu’ng may death penalty ba, bumaba ang statistics ng heinous crimes.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez